Bilang pagsalubong ng Sagip Pelikula sa Valentine's season, mapapanood nang libre ang ilan sa digitally-restored romantic classics sa iba't ibang bahagi ng bansa sa "Sine Sinta: Pag-Ibig at Pelikula" na inorganisa ng the Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Matapos ang unang bahagi nito na ginanap sa Rizal Park at TriNoma Cinema 3 noong Pebrero 3–5, ipapalabas naman ng Sine Sinta ang ilan pa sa kinagiliwang romantic classics sa lahat ng FDCP Cinematheque Centres sa bansa, kabilang ang Manila, Iloilo, Negros, Compostela Valley (Nabunturan), at Davao mula Pebrero 8–10.
Sinimulan ito ng pagpapalabas ng rom-com film nina Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz na "A Very Special Love." Sa Pebrero 9 naman mapapanood ang digitally-restored 1991 romance-drama film nina Richard Gomez at Dawn Zulueta na "Hihintayin Kita sa Langit," 2:30 PM, na susundan naman ng 2002 box-office hit na "Got 2 Believe" ng tambalang Claudine Barretto at Rico Yan ng 6:30 PM.
At mapapanood din muli ang nakakakilig na pelikula ng '90s loveteam nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin na hit "Labs Kita... Okey Ka Lang?" sa darating na Pebrero 10, 3:30 PM.
Maaari nang makuha ang libreng tickets para rito sa https://bit.ly/SineSintaCinemathequeMNL para sa mga manonood sa Metro Manila. Para naman sa mga taga-Iloilo, Negros, Compostela Valley, Davao, at karatig-probinsya, magtungo lamang sa pinakamalapit na FDCP Cinematheque Centre para mapanood ang mga ito nang libre.
Samantala, tutungo muli sa TriNoma ang Sine Sinta para sa libreng open-air screenings ng of "Got 2 Believe" (4:30 PM) at "A Very Special Love" (7 PM) ngayong Pebrero 11 (Sabado). Sundan lamang ang FDCP sa Facebook (fb.com/FDCP.ph), Twitter (@FDCPPH), at Instagram (@fdcpofficial), pati ang social media accounts ng ABS-CBN Film Restoration para sa updates ukol dito.
Patuloy pa rin ang ABS-CBN Film Restoration sa pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).
Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa Sagip Pelikula, i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).