News Releases

English | Tagalog

Ogie Alcasid, Klarisse De Guzman tumulong kay Martin manghikayat sa “The Voice Kids”

March 16, 2023 AT 12 : 53 PM

Batang may viral cover ng “Dahil Sa’yo,” pasok sa MarTeam

 

Tumulong kay Martin Nievera sina Ogie Alcasid at Klarisse De Guzman sa pangungumbinsi sa dalawang blind auditionees na piliin ang MarTeam sa halip ng Kamp Kawayan.

Parehong umikot si Martin at Bamboo kay Kathryn Ashley Tenorio (11 y.o.) ng Cavite, na kumanta ng “Isa Pang Araw,” at Kzhoebe Nicole Baker (8 y.o.) ng Laguna, na umawit ng “Mabagal.”

Umakyat si Ogie sa entablado at hinimok si Kathryn na piliin si Martin bilang kanyang coach. “I want you to consider Martin because he will take care of you. He knows if you’ve got potential and you will probably see your dreams come true when you start learning from the King,” sabi niya.

Samantala, hinikayat ni Klarisse, na naging contestant rin ng "The Voice Philippines" season 1, si Kzhoebe na sumali sa MarTeam. “Syempre MarTeam tayo. Napakabait niyan, galante ‘yan,” she shared.

Gayunpaman, nabigo sina Ogie at Klarisse na kumbinsihin ang mga bata nang piliin ng mga itong sumali sa Kamp Kawayan.

Sa pangalawang linggo ng blind auditions, nagpatulong rin si KZ Tandingan sa rapper na si Gloc-9 upang kumbinsihin si Princess Cañete na sumali sa kanyang team. Ngunit, sa huli ay pinili ni Princess si Bamboo bilang coach.

Patuloy na pinupuno ng tatlong coach ang kanilang mga team ng mga mahuhusay na batang mang-aawit.

Bukod kina Kathryn at Kzhoebe, pasok sa Kamp Kawayan sina Candice Flores (8 y.o) ng Cavite at Francheska Nora (12 y.o.) ng Batangas.

Nakuha naman ni Martin si Deion Ang (9 y.o.), na naging viral noong 2017 para sa kanyang cover of "Dahil Sa'yo" ni Inigo Pascual, at Ysabelle Cruz (11 y.o.). Parehong taga-Cavite ang dalawang bata.

Tinanggap din ni KZ sa Team Supreme sina Rhian Zeph Tiwana (12 y.o.) ng Iloilo, Sab Paica (11 y.o.) ng Batangas, at Savannah Pudadera (10 y.o.) ng Cavite.

Panoorin ang “The Voice Kids” tuwing weekend sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at iWantTFC ng 7 pm at sa TV5 (Sab at 7 pm, Sun at 9 pm). I-follow din ang “The Voice Kids Philippines” sa YouTube.

Para sa iba pang updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.