Maki deals with separation anxiety in his new single "Saan?"
Isang kwento ng ‘sepanx’ na pinagdaanan
Ibinida ng R&B singer-songwriter na si Maki ang pagdadalamhati tungkol sa nakalipas na pag-ibig sa kanyang bagong single na "Saan?" na mapapakinggan na simula ngayong Biyernes (Mar. 31).
Hatid ng awitin ang paghahangad na makasama muli ang taong minamahal kahit na lumipas na ang kanilang pag-ibig. Ipinrodyus ni Nhiko Sabiniano ang awitin habang isinulat naman ito ni Ralph William Datoon.
"This song is definitely best fit for people who struggle trying to explain the feeling of 'sepanx.' 'Saan?' expresses the yearning and the effort made when trying to return to the locations where you used to spend time with them in hopes of running into them there once more and while you reminisce, you search for the part or reasons where it went wrong," saad ni Maki.
Una niyang ipinasilip ang awitin sa kanyang TikTok account na nag-viral at umani ng mahigit 500,000 views dahil sa nakakaantig na tunog at mensahe nito.
"I'm not gonna lie, I was taken back. ‘Cause having a viral cover of a song is already a really big thing to me but going viral because of something you created and poured your heart and soul to says a lot. I feel really special with the amount of support this song is getting," pasasalamat ni Maki.
Sa pamamagitan ng kanyang bagong single, hangad niya na matulungan ang mga taong hindi pa handang umusad at magmahal muli.
Bilang isa sa bagong mukha ng OPM, nais ni Maki lumikha ng mga awitin na magbibigay ng magagandang alaala at kapayapaan sa makikinig. Ilan sa mga musical influences niya sina Mariah Carey, The 1975, Michael Buble, Beabadobee, Harry Styles, Ariana Grande, at Taylor Swift.
Nakilala si Maki sa TikTok nang sumikat ang kanyang sariling bersyon ng iba’t ibang OPM at K-pop hits tulad ng “Pasilyo,” “Shoot Out,” at “After Like.” Ang kanyang debut single na “Halaga” na inilabas sa ilalim ng Tarsier Records noong 2021 ay umani ng mahigit 45,000 streams sa iba’t ibang platforms. Inilabas din niya ang kanyang R&B version ng viral hit na “Gusto Ko Nang Bumitaw” na mayroong mahigit 800,000 streams sa Spotify.
Damhin ang senti vibes ng “Saan?” na mapapakinggan ngayong Biyernes (Mar. 31) sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang Tarsier Records sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, at YouTube.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.