Pormal nang inanunsyo ng ABS-CBN at GMA Network ngayong araw ang kanilang co-production agreement upang maipalabas ang "It's Showtime" sa pangalawang free-to-air channel ng GMA na GTV tuwing tanghali simula Hulyo 1 (Sabado). Ginanap ang contract signing sa Seda Hotel Vertis kung saan dinaluhan ito ng top executives mula sa dalawang kompanya at ng hosts ng “It’s Showtime.”
Mapapanood ang sikat na Kapamilya noontime show mula Lunes hanggang Sabado sa GTV channel 27 sa free TV, channel 15 sa TVplus, channel 2 sa GMA affordabox, channel 24 sa SKYcable, channel 11 sa Cignal, channel 6 sa GSat, at channel 24 sa Destiny cable mula Lunes hanggang Sabado.
"Maraming pong salamat sa pagtanggap sa ‘It's Showtime’ at sa pagyakap niyo muli sa ABS-CBN. Thank you for your kindness, GMA. Nagpapasalamat din kami sa lahat ng 'It's Showtime' hosts at sa buong ‘It's Showtime’ family dahil hindi kayo bumitaw at hindi kayo sumuko sa pagbibigay ng saya at serbisyo," sabi ni ABS-CBN president at CEO Carlo L. Katigbak.
"Sa pirmahan natin ngayong hapon with ABS-CBN, sa paglipat ng noontime program na very popular na ‘It’s Showtime [sa GTV], na mag-uumpisa sa July 1, at ‘yung mga nakaraan naming mga [partnership ng] ABS-CBN, siguro pwede na natin sabihin ngayon without any fear of contradiction na ‘yung kompetisyon o ‘TV war’ is finally over," saad ni GMA chairman at CEO Felipe L. Gozon.
Dumalo rin sa contract signing ang mga opisyal ng ABS-CBN na sina chairman Mark Lopez, COO for broadcast Cory V. Vidanes, at OIC for finance group Vincent Paul Piedad, samantala, ang mga kumatawan naman sa GMA ay sina president at COO Gilberto R. Duavit, Jr., executive vice president at CFO Felipe S. Yalong, at senior vice president for programming, talent management, worldwide, at support group, at president at CEO of GMA Films Annette Gozon-Valdes.
Kasama rin sa pagtitipon ang lahat ng hosts ng programa na sina Vice Ganda, Ogie Alcasid, Anne Curtis, Kim Chiu, Jhong Hilario, Ryan Bang, Ion Perez, Jackie Gonzaga, Amy Perez, Jugs Jugueta, Cianne Dominguez, MC, Lassy, at Teddy Corpuz. Punong-puno ng pasasalamat ang mga mensahe ng hosts sa mga boss nila sa ABS-CBN at GMA at handa na silang makilala ang Kapuso viewers.
Sa loob ng 14 na taon, walang humpay na saya ang ibinigay ng "It's Showtime" at kanilang hosts sa madlang people sa pamamagitan ng kanilang kwela at trending segments. Nasilayan nga ng manonood ang galing ng mga Pilipino sa pagkanta sa anim na edisyon ng “Tawag ng Tanghalan.” Ngayon, muli nilang binuksan ang kanilang pinto para sa dating contestants sa bagong format nito na “TNT Duets,” kung saan nagtutulungan ang duets para mabihag ang puso ng mga hurado. Patuloy naman ito na nagbibigay ng inspirasyon at kasiyahan sa pamamagitan ng mga kwento ng contestants sa iba’t ibang segments tulad ng “Mini Ms. U,” “Isip Bata,” at “Rampanalo.”
Bukod sa GTV, mapapanood pa rin ang It’s Showtime” sa Kapamilya channel, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC mula Lunes hanggang Sabado, 12 NN.