News Releases

English | Tagalog

Kapamilya at Kapuso stars nagsanib-pwersa sa unang episode ng "It's Showtime" sa GTV

July 01, 2023 AT 05 : 26 PM

Don't miss the excitement and fun on "It's Showtime," 12 NN on GTV, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, ABS-CBN Entertainment's YouTube channel, and Facebook page, iWantTFC, and TFC IPTV

Madlang people nakisaya at pina-trend worldwide ang show...
 
Nagsanib-pwersa ang ilan sa pinakamalaking bituin ng ABS-CBN at GMA para makisaya sa unang episode ng "It's Showtime" sa pangalawang free-to-air channel ng GMA na GTV ngayong araw. 

Binuksan ng It's Showtime hosts na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Kim Chiu, Amy Perez, Ryan Bang, Ion Perez, Cianne Dominguez, Jackie Gonzaga, MC, at Lassy ang naturang show sa pagkanta ng "Toxic Free" at nagpamalas ng iba't ibang production numbers kasama ang Kapamilya stars na sina Belle Mariano, Alexa Ilacad, Jolina Magdangal, Chie Filomeno, at Erik Santos, at Kapuso stars na sina Sanya Lopez, Rodjun and Rayver Cruz, Pokwang, Mark Bautista, at Barbie Forteza. Samantala, naki-join naman sa "It's Showtime Online U" ang sikat na content creator na si AC Soriano. 
 
Ani ni Vice, "It’s really happening. Buong bansa at buong mundo ang saksi dito sa makasaysayang selebrasyon natin. Wala nang titindi sa pinakamatinding plot twist ng taon. Dahil ang Kapamilya at Kapuso ngayon ay pinag-isa. Nakakatuwa na pinagsasama-sama ang Kapamilya at Kapuso stars.”
 
Agad din nagtrending number 1 sa worldwide ang hashtag ng show na #GnaGsaShowtime samantala naging parte naman ng trend list sina Belle, Christian, Barbie, ABS-CBN, Argus, at Rayver. 
 
Nagbigay din ng kanilang suporta para sa show at hosts ang ABS-CBN president at CEO Carlo L. Katigbak at head of TV Production at head ng Star Magic Laurenti Dyogi.
 
Lubos naman na nagpasalamat si Vice sa mga boss ng GMA na sina chairman at CEO Felipe Gozon, president at COO Gilberto R. Duavit, Jr., executive vice president at CFO Felipe S. Yalong, at senior vice president for programming, talent management, worldwide, at support group, at president at CEO of GMA Films Annette Gozon-Valdes sa pagbibigay sa kanila ng bagong tahanan.
 
"Maraming salamat po pati na rin sa mga Kapuso na naki-party at naki-sayaw sa akin noong nagshoot ako sa GMA. Ang sarap ng pagtanggap at pagmamahal niyo dyan," pasasalamat ng Unkabogable Star. 
 
Mas pinagtibay naman ni Vice ang pagpapatuloy ng magandang pagsasanib-pwersa ng dalawang kumpanya nang sumakay siya ng helicopter mula sa ABS-CBN hanggang sa GMA at nag-perform sa harap ng GMA Network Center. 
 
Nakisama rin sa selebrasyon sa "It's Showtime" ang lead stars ng programang "Unbreak My Heart" na sina Jodi Sta. Maria, Richard Yap, Joshua Garcia, at Gabbi Garcia. 
 
Kasabay ng pag-premiere ng programa sa GTV ang grandfinals ng "Tawag ng Tanghalan Duets Huling Tapatan" kung saan nanaig ang duo nina Marielle Montellano at JM Dela Cerna. Nakakuha sila ng standing ovation sa kanilang bersyon ng "Now and Forever" at nasungkit ng total score na 98.3% mula sa hurados na sina Louie Ocampo, Zsa Zsa Padilla, Nyoy Volante, Marco Sison, Erik Santos, Gary Valenciano, Jona, and Darren Espanto at Kapuso singers na sina Christian Bautista at Mark Bautista. Tinalo nila sina John Saga and Kim Nemenzo (95.3%) at Eumee Capili and Anton Antenorcruz (91.6%). 
 
Bilang grand champions, nag-uwi sina Marielle at JM ng P500,000 at trophy na dinesenyo ni Toym Imao. 
 
Sa darating na Lunes, pangmalakasang bosesan muli ang patuloy na maririnig sa pagbubukas ng ika-pitong edisyon ng "Tawag ng Tanghalan."
 
Panoorin ang “It’s Showtime,” 12NN mula Lunes hanggang Sabado sa GTV, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel. Huwag din palampasin ang "Showtime Online U" tuwing 11:45 AM sa Kapamilya Online Live.