Hatid ang ‘storyline’ ng buhay niya
Dalawang buwan matapos siyang kilalanin bilang grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” season 6, inilunsad na ni Lyka Estrella ang una niyang kanta na “Hawak Mo,” ang official theme song ng bagong teleseryeng pang-hapon na “Nag-aapoy na Damdamin.”
“Malaking break ito sa akin. I’m expecting na hindi ganito yung first project ko pero ito yung binigay ni Lord sa akin and I’m so blessed and grateful,” ani Lyka.
Ang “Hawak Mo” ang itinuturing niyang kanta na pinaka-naglalarawan ng naging journey niya sa buhay. “Storyline po ito ng buhay ko,” pagbabahagi niya sa kanyang naging panayam sa Kapamilya Chat.
Inawit naman ito ni Lyka nang live sa kauna-unahang pagkakataon sa media launch ng dalawang pasabog na teleserye ng ABS-CBN Entertainment at TV5 na “Pira-Pirasong Paraiso at “Nag-aapoy Na Damdamin” noong Hulyo 13.
Sasamahan niya rin ang mga bida ng dalawang teleserye para awitin ang “Hawak Mo” sa Sublian Festival Kapamilya Karavan 2023 na magaganap sa SM City Batangas sa Linggo (Hulyo 23), 5pm.
Si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang sumulat at nagprodyus ng “Hawak Mo” na inareglo ni Tommy Katigbak at inilunsad sa ilalim ng Star Music.
Iikot sa matitinding kasinungalingan at gantihan ang “Nag-aapoy Na Damdamin” na pangungunahan nina JC de Vera, Ria Atayde, Tony Labrusca, at Jane Oineza.
Kabilang din sa powerhouse cast sina Maila Gumila, Joko Diaz, Kim Rodriguez, Aya Fernandez, at Carla Martinez. May bigating partisipasyon naman dito sina Jeffrey Santos, Lovely Rivero, at Richard Quan.
Mapapanood na ang “Nag-aapoy na Damdamin” mula Lunes hanggang Biyernes simula Hulyo 25 (Martes), 3:50pm sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, A2Z, at TV5.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.