News Releases

English | Tagalog

"Pira-Pirasong Paraiso" patok sa viewers, trending sa social media

July 26, 2023 AT 01 : 18 PM

Aktingan ng cast, pinuri ng netizens!

Mainit na sinalubong ng netizens ang “Pira-Pirasong Paraiso,” ang co-production teleserye ng ABS-CBN at TV5, pagkatapos mag-trending ang pilot episode nito noong Martes (Hulyo 25).

Ipinakilala sa unang episode ang mga Abiog, isang pamilya ng mga magnanakaw kasama ang magkapatid na babaeng sina Baby (Loisa Andalio) at Hilary (Elisse Joson), na ang tanging pangarap lamang ay makaahon sa hirap. Lalo silang magsusumikap sa kanilang mga misyon kahit na muntik na silang pumalpak at mabisto ng isang pulis na si Jonaf (Ronnie Alonte) at ng mayamang dalagang si Diana (Charlie Dizon).

Sa social media, ibinahagi ng netizens ang kanilang papuri sa kahanga-hangang aktingan ng cast at ang mga nakakapigil-hiningang mga eksena na pumukaw sa kanilang mga emosyon. Nakakuha rin ang episode ng 54,547 live concurrent views sa Kapamilya Online Live sa YouTube

Sa pagpapatuloy ng kwento, dapat abangan ng mga manonood ang pagpasok ng mga karakter nina Alexa Ilacad, KD Estrada, at Joseph Marco na magdadagdag ng tensyon sa istorya. Masasaksihan din ang pagpanggap ni Baby bilang ang nawawalang kapatid ni Diana, at kung paano magiging isyu ito sa mga tao sa kani-kanilang buhay, kabilang dito ang journalist na si Angela (Alexa).

Tutukan ang “Pira-Pirasong Paraiso,” Lunes hanggang Biyernes ng 3 PM at kada Sabado ng 2:30 PM, sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC. 

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.