News Releases

English | Tagalog

"Lavender Fields" nagtala ng all-time high viewership record

October 07, 2024 AT 10 : 31 AM

Karakter ni Jericho, magbabalik na! 
 

Nakakuha ang drama-thriller series ng ABS-CBN na “Lavender Fields” ng all-time high viewership record nang magtala ng 755,332 peak concurrent viewers ang episode nito noong Biyernes (Oct. 4) matapos abangan ng mga manonood ang kahihinatnan ni Jasmin matapos malaman ni Zandro ang kanyang tunay na pagkatao.

Sunod-sunod na binasag ng serye ang viewership records nito nang makakuha ang episode noong Miyerkules (Oct. 2) ng 657,514 views, na nilampasan ang dati nitong record simula noong pagpalabas ng pilot episode, habang ang episode nitong Huwebes (Oct. 3) ay umabot sa 748,268 views. Nang sumunod na araw (Oct. 4), nilampasan ng episode na ito ang viewership record ng serye sa ikatlong pagkakataon nang makakuha ito ng 755,332 views.

Patuloy na sinusubaybayan ng mga manonood ang “Lavender Fields” dahil sa pasabog na mga rebelasyon nito. Inamin na ni Aster (Maricel Soriano) ang kanyang tunay na intensyon sa pagtulong kay Jasmin. Pinaniniwalaan ni Aster na ang tatay ni Iris (Janine Gutierrez) na si Vittorio (Edu Manzano) ang nasa likod ng pagkawala ng kanyang anak na si Marigold. Samantala, humingi ng tulong si Jasmin kay Zandro (Albert Martinez), na sa paghahanap ng kanyang anak. 

Ipinakita rin sa episode noong Biyernes ang pagbabalik ni Tyrone (Jericho Rosales), na nananatiling buhay at nakakulong lang pala, habang palapit nang palapit na si Zandro sa pagkakakilanlan ng anak ni Jasmin sa pamamagitan ng isa pang DNA testing.

Nananatili naman ang serye bilang isa sa Top 10 TV Shows ng Netflix PH, habang numero uno pa rin ito sa mga pinakapinapanood na palabas sa iWantTFC.

Abangan ang mga pasabog na eksena sa “Lavender Fields” tuwing weeknights simula 8:45 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, TFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. Panoorin ito in advance sa Netflix at iWantTFC.

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.