Mula sa sariling komposisyon na alay sa taong iniibig
Isang love confession ang hatid ng Kapamilya singer na si Kice sa kanyang bagong awitin na “Can’t Get You Out of My Head.”
Isinulat at iprinodyus mismo ni Kice ang kanta kasama si Gab Tagadtad habang nagsilbing supervising producer nito ang StarPop label head na si Roque “Rox” Santos.
“I made this song back in 2016 and produced it a year ago. I was thinking the 16-year- old me was really onto something when writing this song,” saad ni Kice sa kanyang post.
Unang nakilala ang singer-songwriter nang maging bahagi siya ng “Idol Philippines” season 2 kung saan naging third placer siya sa kompetisyon at pinahanga ang mga manonood sa kanyang performance ng “Nasa Iyo Na Ang Lahat” at “Angel.”
Noong nakaraang taon, sinimulan ni Kice ang kanyang journey bilang recording artist at inilunsad ang singles na “Only Girl” at “Lose Control.” Binigyang boses din niya ang awitin na “Simulan” na naging bahagi ng “Dirty Linen” soundtrack.
Bukod sa musika, pinasok din niya ang pag-arte sa pamamagitan ng ABS-CBN series na “Linlang” at isa rin siya sa miyembro ng “ASAP” Rockoustic Heartthrobs.
Available na ang bagong awitin ni Kice na “Can’t Get You Out of My Head” sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok.