News Releases

English | Tagalog

Most viewed Made For YouTube series ng ABS-CBN, may Season 2

March 26, 2024 AT 08 : 51 AM

Gen Z loveteam na CrizVey, muling magpapakilig 
 

Muling magpapakilig sina Harvey Bautista at Criza Taa sa bagong season ng youth-oriented series ng ABS-CBN na "Zoomers," na naging most viewed Made For YouTube series matapos nakakuha ng 4.2 million views sa unang season nito.

Trending at naging usap-usapan sa social media simula noong Enero ang serye at ang mga cast member nito dahil na rin sa audition process na natunghayan ng netizens na mas naipakilala ang bawat artista pati na rin ang mga pinagdaanan ng mga karakter nila sa palabas. 

Lubos ang pasasalamat ni Harvey Bautista para sa suportang natanggap nila ni Criza sa unang season ng “Zoomers” at sa tambalan nilang “CrizVey.”

“Hindi namin akalain ni Criza na mangyayari ‘yun. We were overwhelmed kasi di namin inexpect ‘yung feedback ng mga tao na ganoon ka-positive. Overwhelming pero at the same time very thankful na pumatok ‘yung pairing naming dalawa,” sabi niya.

Samantala, ibinahagi ni Ralph De Leon na marami siyang natutunan sa unang sabak niya sa pag-arte sa "Zoomers"  tulad ng maging natural lang tuwing uma-aarte habang masaya naman si Krystl Ball na malugod na tinanggap ng viewers ang girls-love tandem nila ni Kei Kurosawa.  

Iikot pa rin ang bagong season ng serye sa buhay ng barkada nina Jiggs (Harvey), Hope (Criza), Atom (Ralph), Tanya (Krystl), at Kokoy (Luke Alford) na pipiliin i-spend ang kanilang huling bakasyong magkakasama bago tuluyang pumasok kolehiyo. Sa kanilang pagsasama, makakaranas sila ng mga hindi inaasahang pangyayari na maaaring magpatibay o maging mitsa ng pagkasira ng kanilang pagkakaibigan.

Mula ng magsimula ito noong Enero, labis ang papuri ang natanggap ng "Zoomers"  dahil sa pagpapalabas ng mga karanasan at hamon na kinakaharap ng maraming Gen Z, tulad ng mga isyu tungkol sa droga, bullying, mental health, bisexuality, at marami pang iba. Bukod pa rito, naging inspirasyon rin sa aspiring artists ang bawat cast member sa matapang nilang pagsubok sa hamon ng auditions para mapabilang sa hit youth oriented series. 

Makakasama rin nina Harvey, Criza, Luke, Krystl, at Ralph ang mga Star Magic artist na sina Zabel Lamberth, Hadiyah Santos, Luis Vera Perez, Erika Davis, Kei Kurosawa, at Zach Castañeda. Ang “Zoomers” Season 2 ay nasa ilalim ng produksyon ng RCD Narratives at idederehe ni Kevin Alambra kasama ang creative producer na si Theodore Boborol, at head writer na si Carmela Abaygar, at episode writers na sina Carol Navarro, at Airic Diestro. Pinangunahan ng direktor na si Chad Vidanes ang unang season ng serye, na magiging line producer na sa darating na season.

Huwag palampasin nalalapit na season 2 ng youth-oriented series ng ABS-CBN na “Zoomers.” Mapapanood rin ng libre worldwide ang unang season ng serye sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.

Para sa iba pang Kapamilya updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE