“Saan?’ hitmaker tampok din sa Spotify RADAR Philippines
Panibagong milestone ang nakamit ng breakthrough artist na si Maki matapos umani ang musika niya ng mahigit 100 million combined streams sa Spotify.
Nasungkit ni Maki ang bagong achievement matapos niyang ilunsad ang kanyang unang EP na “Tanong” tampok ang awitin na “Kailan?” at “Saan?” na umarangakada sa ika-14 pwesto sa Billboard Philippines Songs Chart.
“I can still vividly remember ‘yung time na nagjo-joke around kami with the team noong first time ko magka-1 million. Sabi ko agad sa kanila ‘oh next time 100 million na yan.’ Tapos parang tumatawa-tawa pa kami noon as if parang ‘di siya mangyayari agad. Talagang ‘di namin ine-expect,” saad ni Maki. “Never ko din talaga ‘to makakamit without the help of the team, my family and friends, and the people who support me araw-araw—yung mga zushis ko.”
Bukod dito, tampok din si Maki sa Spotify RADAR Philippines kung saan kasama niya ang 10 Filipino emerging artists sa bansa. Para kay Maki, naging inspirasyon niya ang kanyang tagumpay at mga tagahanga upang patuloy na ipamalas ang kanyang talento sa musika kahit pa may mga oras na nadi-discourage siya.
“Para sa akin, tinitingnan ko yung numbers as validation sa sarili ko whenever I feel discouraged. May times na nagdo-doubt kami sa sarili naming capabilities—sa sarili naming talent. But at the end of the day, ‘pag nakikita ko ‘yung numbers na ‘to, nagkakaroon ako ng realization and reminder na ‘nagawa ko din ‘to once in my life.’ I always go back to my roots and my core na gusto ko rin talaga yung music na gusto kong ilabas,” kwento ng Kapamilya singer-songwriter.
Nitong Enero, inilabas ni Maki ang latest single na “HBD” mula sa Tarsier Records na mayroon nang higit sa isang milyong stream sa Spotify. Nakasama rin niya sina Angela Ken at Nameless Kids lead vocalist na si Nhiko Sabiniano sa awitin na “Sikulo” na inilunsad noong Marso. Pinaghahandaan din ni Maki ang iba’t ibang sorpresa para sa selebrasyon ng kanyang bagong milestone kasama ang fans.
Maging updated sa music projects ni Maki at sundan ang kanyang Spotify profile. Para sa ibang detalye, sundan ang Tarsier Records sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, and YouTube.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.