News Releases

English | Tagalog

Trisha Denise, nagbalik-tanaw sa kanyang songwriting journey

April 16, 2024 AT 10 : 23 AM

Nakapagsulat na ng awitin para kina Belle, Pops, Regine, atbp.

Ikinuwento ng Kapamilya singer-songwriter na si Trisha Denise ang naging journey niya sa pagsusulat ng awitin at kung paano ito nagbukas ng oportunidad upang makatrabaho ang iba’t ibang kilalang recording artists sa industriya.

Ilan sa mga naisulat ni Trisha na awitin ay ang “Unbreakable” nina Regine Velasquez at Moira Dela Torre, “Get It Poppin” ni Pops Fernandez, “Somber and Solemn” ni Belle Mariano at marami pang iba.

Saad niya sa ginanap na “Simula ng Wakas” EP celebration kamakailan, “Sobrang humbling ng experience na pinagkakatiwalaan ako na magsulat ng kanta for these icons and legends kasi I just write by myself in my room at usually iilan lang yung makakarinig, yung mga tao sa studio and then biglang ilalabas na ng record label kaya palaki nang palaki yung responsibility pero I’m so grateful sa trust na ibinibigay sa akin.”

Natuklasan ni Trisha ang kanyang talento sa musika nang matutunan niyang tumugtog ng gitara at sumulat ng mga kanta na nagbukas ng iba’t ibang oportunidad sa kanya.

“Nung nag-start na ko gumawa ng sarili kong kanta, nagustuhan ko siya kaya iyon na rin yung pinursue ko hanggang college. Sumali rin ako sa songwriting competitions hanggang sa nauwi ako sa first published song ko for Janella Salvador’s debut album,” kwento ni Trisha.

Bilang recording artist, inilunsad ni Trisha ang kanyang first single na “Mahalaga” na mula sa soundtrack ng “Between Maybes.” Sinundan niya ito nang inilabas niya ang debut album na “Piece of the Puzzle” tampok ang mga awitin na “Liliwanag,” “Ika’y Mamahalin,” at “Mamahalin.”

Nitong nakaraang taon, nagbalik siya dala ang EP na “Simula Ng Wakas” na may anim na awitin hatid ang mensahe ng pagbitaw sa masasakit na damdamin at muling pagbangon sa buhay.

“It tells the story of having a painful past and the transformation to welcome new beginnings. Para ito sa mga tao na naghahanap ng fresh start sa kanilang buhay,” ani Trisha.

Para kay Trisha, mas nagiging makulay ang kanyang musika dahil sa personal na kwento at karanasan na ibinubuhos niya sa kanyang awitin. 

“Kung ano yung lumalabas na raw feelings and emotions na susulat ko, iyon yung Trisha sound. It’s more on the personal stories,” saad niya.

Pakinggan ang latest EP ni Trisha na “Simula Ng Wakas” na available sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.


 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE