News Releases

English | Tagalog

Kim Hewitt, itinanghal bilang "TNT Kids Season 2" Grand Champion

April 22, 2024 AT 06 : 37 PM

Napagtagumpayan ng resbaker na si Kim Hewitt na masungkit ang titulo bilang ikalawang kampyeon ng Tawag ng Tanghalan Kids matapos niyang makuha ang pinakamataas na combined total scores mula sa mga hurado sa trending na 'Huling Tapatan' ngayong araw. 

"I feel happy and thankful to God and my coach. I also dedicate my win to my mom, who helped me a lot throughout my journey," ani ni Kim matapos tanghalin bilang bagong kampyeon.

Naging mahigpit nga ang laban sa final round ngunit nanaig si Kim sa dulo nang makuha niya ang total combined score na 96.7% habang sina Dylan  Genicera ay nakakuha ng 96.6% at sinundan ni Aliyah Quijoy na may 96.5%. 

Nag-uwi ng bata mula sa Dumaguete ang P500,000, P300,000 worth of learning and home showcase, isang management contract sa ilalim ng ABS-CBN Music, at espesyal na trophy.  

Nakuha ni Kim ang boto ng mga huradong sina Jason Dy, Frenchie Dy, John Rex Baculfo, Roselle Nava, Christian Bautista, Jamie Rivera, Tutti Caringal, Katrina Velarde, Elha Nympha, at punong hurado Gary Valenciano matapos niyang mapabilib ang mga ito sa kanyang bersyon ng "I Don't Wanna Miss A Thing na naging winning song din ng naunang "TNT Kids" grand champion John Clyd Talili. 

Tinutukan naman ng manonood ang nasabing tapatan kaya trending sa Twitter ang hashtag nitong #TNTKidsHulingTapatan. 

Sa Lunes, abangan ang ikawalong edisyon ng "TNT" kung saan mga pambato naman mula sa iba't ibang paaralan at pamantasan ang maglalaban-laban sa "Tawag ng Tanghalan School Showdown."

Makisaya sa buong pamilya ng “It’s Showtime,” 12 NN mula Lunes hanggang Sabado, sa GMA, A2Z, Kapamilya Channel, GTV, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel. Huwag din palampasin ang "Showtime Online U" sa YouTube channel ng "It's Showtime."

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.