News Releases

English | Tagalog

"Pangako Sa'Yo (2015)," "Forevermore," at "On The Wings Of Love" ipapalabas sa ALLTV gabi-gabi simula Mayo 13

May 11, 2024 AT 05 : 55 PM

ALLTV's new primetime block All-Time Saya will air three of the most loved Kapamilya teleseryes.

“All-Time Saya” kasama ang KathNiel, LizQuen, at JaDine sa ALLTV
 
Tatlo sa pinakaminahal na Kapamilya teleserye—“Pangako Sa’yo (2015),” “Forevermore,” at “On The Wings of Love”—ang bubungad sa bagong primetime block ng ALLTV na “All-Time Saya” kasama ang “Minute To Win It” at “TV Patrol” simula Lunes (Mayo 13).
 
Pagkatapos ng simulcast ng “TV Patrol,” maaari nang balikan ng mga manonood ang pag-iibigan nina Angelo at Yna na ginampanan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa hit remake ng “Pangako Sa’yo” Lunes hanggang Biyernes, 8 pm. Kabilang din sa programa sina Ian Veneracion bilang Eduardo at sina Jodi Sta. Maria at Angelica Panganiban sa papel ng magkalaban nang dahil sa pag-ibig na sina Amor at Claudia.
 
Matutuwa naman ang “Forevermore” fans na saksihan muli ang pagmamahalan nina Xander, isang anak ng hotel magnate, at Agnes, dalagang anak ng isang strawberry farmer. Mapapanood ang hit teleserye na kinunan pa sa Sitio La Presa sa Baguio tuwing 8:45 pm.
 
Isa pang magandang kwento ng pag-ibig ang matutunghayan pagsapit ng 9:30 pm sa  “On The Wings of Love” tampok sina Leah na binigyang buhay ni Nadine Lustre at Clark na ginampanan ni James Reid na mapipilitang magpakasal sa Amerika.
 
Magsisimula ang saya sa ALLTV primetime tuwing 5:45 pm tampok ang simulcast ng game show na “Minute To Win It: Replay” ni Luis Manzano na kasabay ring napapanood sa Kapamilya Channel.
 
Namnamin ang “All-Time Saya” sa ALLTV na napapanood sa Channel 2 sa free TV, cable, at satellite TV nationwide. Para manatiling updated, sundan ang sundan ang ALLTV (@alltvph) sa Facebook, X (formerly Twitter), Instagram, TikTok, at mag-subscribe sa YouTube channel nito. 
 
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (formerly Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.