Umarangkada na sa taping ng “The Bagman”
Patuloy na pinapatunayan ni Judy Ann Santos ang pagiging “Forever Kapamilya” at isa sa ultimate stars ng ABS-CBN dahil excited na ang fans sa gagawin niyang mga proyekto, kabilang na rito ang seryeng “The Bagman.”
Umaarangkada na nga si Juday para sa taping ng action drama series na “The Bagman,” na pinagbibidahan din nina John Arcilla at Arjo Atayde. Kamakailan lang ay nagpasalamat si Juday sa mga bumubuo ng “The Bagman” dahil sa munting sorpresa na inihanda nila sa set para sa kaarawan niya.
Ang “The Bagman” ang magsisilbing acting comeback ni Juday pagkalipas ng limang taon, kung saan gumaganap siya bilang presidente ng Pilipinas, kaya excited na ang fans na masaksihan muli ang kanyang galing sa pag-arte. Kamakailan nga ay naging emosyonal ang kanyang mga tagasubaybay nang magpost siya sa Judy Ann’s Kitchen sa YouTube ng reunion kasama ang kanyang mga “Gimik” co-star niyang sina Jolina Magdangal, Marvin Agustin, Mylene Dizon, at Dominic Ochoa.
Sa higit tatlong dekada ni Juday bilang Kapamilya, napamahal na siya sa mga manonood dahil sa kanyang natatanging pagganap sa iba’t ibang serye at pelikula. Ilan sa mga hit shows niya ay ang “Mara Clara,” “Esperanza,” at “Gimik,” at ang mga pelikulang “Isusumbong Kita Sa Tatay Ko,” “‘Till There Was You,” at “Kasal, Kasali, Kasalo.”
Unang nakilala si Juday sa hit 1992 TV series na “Mara Clara” kasama si Gladys Reyes. Magmula noon, nanalo siya ng iba’t ibang awards at isa na rito ang Best Actress sa 41st Cairo International Film Festival. Ang huli niyang teleserye ay ang 2019 Kapamilya primetime series na "Starla” at naging host din siya ng inspirational 2021 docu-drama na “Paano Kita Mapasasalamatan.”
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (dating Twitter), TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.