Tanggol sasabak sa sunod-sunod na bakbakan!
Mano a Mano laban sa kasamaan!
Ibibida na ng Primetime King na si Coco Martin ang mas matapang na Tanggol sa maaaksyong mga tagpo sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Sa isang trailer na inilabas noong Mayo 24, ipinasilip ni Coco ang mas astig at palaban na Tanggol kung saan harap-harapan itong makikipagbakbakan sa kanyang mga kalaban.
“Mag-iiba na ‘yung character ni Tanggol. From the time na nakulong siya, lumaya, at sumubok magbagong-buhay. Ngayon, another level naman ng journey ang papasukin ni Tanggol,” kwento ni Coco sa panayam ng ABS-CBN News tungkol sa bagong yugto ng buhay ng kanyang karakter.
Pagkatapos magtiis ng mahabang panahon sa pagpapa-alipin sa kanya, reresbak na si Tanggol para bigyan ng hustisya ang kanyang mga mahal sa buhay. Isa sa mga pinaka-inaabangang komprontasyon ay ang makapigil-hiningang bakbakan ng mag-amang Tanggol at Ramon (Christopher De Leon).
Bagama’t hindi pa rin alam ni Tanggol na si Ramon ang tunay niyang ama, mag-isa niyang susugurin ito dahil naniniwala siya na si Ramon ang may kasalanan kung bakit namatay ang pinakaminamahal niyang si Mokang.
Umaatikabong sagupaan din ang mapapanood ng viewers sa harapan nina Tanggol at Pablo (Elijah Canlas). Magiging misyon kasi ni Tanggol ang protektahan ang kaibigan niyang si Bubbles (Ivana Alawi) pagkatapos ibintang kay Pablo ang pagmamaltrato na nangyari sa dalaga.
Pero hindi lang si Tanggol ang masasangkot sa gulo dahil inaabangan na rin ng mga manonood ang matinding komprontasyon ng biyenan ni Rigor (John Estrada) na si Tindeng (Charo Santos), laban kay Lena (Mercedes Cabral), ang kabit ni Rigor na umaastang reyna ng bahay.
Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng ““FPJ’s Batang Quiapo.” Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (formerly Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.