News Releases

English | Tagalog

Radyo 630 at Teleradyo Serbisyo, sinimulan ang ika-unang anibersaryo sa 'Kumustahan Day'

June 15, 2024 AT 08 : 00 AM

In celebration of its first year of providing daily news and information to the public, DWPM Radyo 630 and Teleradyo Serbisyo kicked off the festivities with its pre-anniversary event "Puntahan ng Bayan: Kumustahan Day"

Puno ng masasayang aktibidad at talk sessions kasama ang Ka-Serbisyo anchors
 
Bilang pagdiriwang sa ika-unang taon ng paghahatid ng mahahalagang balita, impormasyon, at serbisyo sa publiko, sinimulan ng DWPM Radyo 630 at Teleradyo Serbisyo ang pre-anniversary celebration nito sa pamamagitan ng "Puntahan ng Bayan: Kumustahan Day" na ginanap sa San Juan City, kung saan nakisaya ang mga tagasubaybay nito sa ilang makabuluhang aktibidad kasama ang Ka-Serbisyo anchors.
 
Kasamang naka-bonding ng mga pumunta ang Radyo 630 anchors na sina "Kabayan" Noli de Castro, Bernadette Sembrano, Alvin Elchico, Doris Bigornia, Tony Velasquez, "Tyang" Amy Perez, at iba pa. Game na game ding sumalang ang mga attendee sa radio anchor teleprompter challenge at nakiselfie sa glambot installation nito.
Bukod pa rito, tampok din sa Kumustahan Day ang informative discussions mula sa ilang guest speakers na tinalakay ang iba't ibang usapin patungkol sa smart parenting, nutrition on a budget, at paghahanda sa oras ng mga sakuna.
 
Nagpasalamat naman ang news anchors na sina Alvin Elchico at Doris Bigornia sa mga patuloy na sumubaybay sa Radyo 630 at Teleradyo Serbisyo. 
 
"Nagpapasalamat kami na kahit one year na kami ay nandyan pa rin ang loyal viewers at listeners ng DWPM Radyo 630 at Teleradyo Serbisyo," saad ni Alvin. Ika naman ni Doris, "Kung hindi kayo bibitaw, lalong hindi kami bibitaw. Lagi tayong magkakasama, sa ngalan ng serbisyo sa bayan, tamang impormasyon at balita."
 
Samantala, nagbigay rin ng mensahe ang Media Serbisyo Production Corp. (MSPC) president na si Marah Capuyan. Inihayag niya na sentro ng kanilang mga programa at iba pang inisyatibo ang kanilang mga tagasubaybay at pag-iigihan nila ang kanilang adbokasiya sa paghahatid ng balita, impormasyon, at serbisyo publiko.
 
"Parati na 'pag nagiisip kami ng mga programa at event, ang iniisip namin ay kayong lahat na aming mga tagasubaybay—kung paano namin kayo mapagsisilbihan. Marami pa kaming pina-plano para sa Radyo 630 at Teleradyo Serbisyo, and we hope that you will continue to support us whether on air, on ground, or online. We will always be there to serve you," aniya.
 
Patuloy na mapapakinggan ang Radyo 630 sa AM radio via 630 kHZ frequency, o sa TV sa pamamagitan ng Teleradyo Serbisyo. Makibalita sa mga programa nitong "Radyo 630 Balita," "Gising Pilipinas," "Teleradyo Serbisyo Balita," "Headline Ngayon," at "TV Patrol," habang makisali sa mga usapan at serbisyo publiko sa "Kabayan," "Pasada," "Tatak Serbisyo," "Kasalo" "Hello Attorney," "Win Today," "Ligtas Pilipinas," "Anong Take Mo?" at iba pa.
 
Bumisita rin sa Facebook at YouTube pages nito para masubaybayan ang Radyo 630/Teleradyo Serbisyo online. 
 
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, at Threads o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.