Inilabas ng “Drag Race Philippines” season 1 stars na sina Brigiding, Precious Paula Nicole, at Viñas Deluxe o kilala bilang Divine Divas ang kanilang unang single na “Oh, Divine Diva” sa pagpasok ng Pride Month.
Ibinida nila sa dance-pop na awitin ang mensahe ng empowerment at pagkakaroon ng confidence upang harapin ang hamon ng buhay.
“Tayo ang unang papalakpak sa koronang tayo mismo sa sarili ang nagsuot, unang makakaunawa sa talentong gusto nating ipakita sa mundo at unang tatanggap ng pagkataong gusto nating makilala ng kahit sino. Patuloy nating itaas ang bandera at iparada ang korona. Ipaalala mong wala kang hindi kaya kasi isa kang divine diva,” saad ni Precious
“It’s about being your own diva and finding your own voice. You are your own diva, wherever you came from, whatever you've been through, continue to fight because your perfect time will come ” dagdag nina Brigiding at Viñas.
Isinulat ang “Oh, Divine Diva” nina Loriebelle Darunday, Elmar Jan Bolano, Justin Ian Catalan, Liza Diño at iprinodyus ni StarPop label head Roque “Rox” Santos. Nagsilbing executive producers din sina Liza Diño, Ice Seguerra, ABS-CBN Music head Roxy Liquigan, at creative director Jonathan Manalo.
Nabuo ang grupo sa kasagsagan ng pandemya dahil sa kanilang Facebook livestreams kung saan sila ay nagpe-perform at nakikipag-usap sa fans. Sa pagbabalik-tanaw sa kanilang naging “Drag Race PH” journey, ibinahagi ni Brigiding na naging malaking learning experience ito para sa kanila at nagbukas din ng iba’t ibang oportunidad upang maipakilala ang drag sa mundo. Aniya, “Learning is the new winning. You never lose. Only you have the power to change and carve the path to your future.”
Para kay Viñas, tiwala at pusong puno ng passion ang pinaghugutan niya ng lakas upang malagpasan ang mga pagsubok sa buhay. Sabi niya, “Magtiwala sa sarili para laging wagi. Kung may gusto ka sa buhay at pinagtrabahuhan mo nang buong puso mo at makakamit mo ito.”
Samantala, binigyang halaga naman ni Precious ang individuality sa kanyang pagkapanalo sa unang season ng “Drag Race PH.”
“Sabi ko nga nung pumasok ako sa ‘Drag Race Philippines Season 1,’ ‘wag lang ako ma-porkchop queen okay na ko, pero higit pa doon ang nabigay at naituro sa akin ng DRPH at ‘yon ay yung maging ikaw lang, just be yourself sa lahat ng pagkakataon. Take one step at a time and enjoy every moment. Laban sa lahat ng challenge! Hindi lahat ng akala nating madali ay kaya na natin, dapat lagi tayong handa lumaban!” kwento niya.
Noong nakaraang taon, idinaos ng Divine Divas ang kanilang unang major concert na “Divine Divas Live” sa New Frontier Theater. Sinundan nila ito ng kanilang trending performance sa naganap na DragCon UK at nagbukas din sila ng sariling drag club na RAMPA ngayong taon.
Makisayaw sa awitin ng Divine Divas na “Oh, Divine Diva” na napapakinggan sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.