News Releases

English | Tagalog

"Lavender Fields" mapapanood na sa US, Canada, at Middle East

January 27, 2025 AT 02 : 52 PM

Full episodes libreng mapapanood sa ABS-CBN Entertainment YouTube
 
Pwede nang ulit-ulitin simula ngayong araw (Enero 27) ang mga pasabog na eksena sa Kapamilya teleseryeng “Lavender Fields” dahil libre na itong napapanood sa buong mundo sa pamamagitan ng ABS-CBN Entertainment YouTube channel. 

Pumatok ang serye sa mga manonood dahil sa bigating cast nito sa pangngunguna nina Jodi Sta. Maria, Janine Gutierrez, Jericho Rosales, at Jolina Magdangal, at nakasama rin ito sa listahan ng most watched shows sa iWantTFC at Netflix Philippines.

Napabilib din ang viewers sa mga kapanapanabik na eksena, partikular na dito ang mga astig na komprontasyon ng mga karakter nina Jodi at Janine kung saan ipinamalas nila ang kanilang galing pagdating sa mga action scene.

Umiikot ang kwento ng “Lavender Fields” sa paghihiganti ni Jasmin (Jodi) laban sa mag-asawang Tyrone (Jericho) at Iris (Janine) - na siyang naging rason sa pagkawatak-watak ng pamilya niya. Kapag nagkabistuhan na ng kani-kanilang mga sikreto, hanggang saan ang kayang isakripisyo ng bawat isa alang-alang sa mga mahal sa buhay? 

Patuloy ang paglawak ng ABS-CBN Entertainment YouTube channel bilang parte ng layunin ng kompanya na maghatid ng saya at inspirasyon sa mga Kapamilya sa iba’t ibang parte ng mundo.

Subaybayan ang full episodes ng “Lavender Fields” nang libre sa pamamagitan ng pag-subscribe sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.
 
Note: Not available in the Philippines, Malaysia, Myanmar, Indonesia, Pacific Islands, and select countries in Africa