News Releases

English | Tagalog

"Wag Paglaruan" ni Tiara Shaye, nagwagi sa Philpop Himig Handog

March 24, 2025 AT 11 : 18 AM

The winning entry was interpreted by FANA and Tiara Shaye.

Inawit mismo ni Tiara kasama si FANA
 
Tagumpay ang unang sabak ni Tiara Shaye sa isang songwriting contest dahil nagwagi ng grand prize ang isinulat niyang “Wag Paglaruan” sa Philpop Himig Handog songwriting festival.
 
Ang “Wag Paglaruan” na siya mismo ang umawit kasama si FANA ay isang electro-pop song tungkol sa red flags na hango sa nababasa ni Tiara sa social media.
 
Sa pagbabalik-tanaw ni Tiara sa kanyang naging inspirasyon, ibinahagi niya na gusto niyang may matutunan ang listeners mula sa kanta.
 
Aniya, “Parang kailangan kong mag-create ng song na may matutunan sila at the same time magkakaroon ng hope ang mga taong napaglaruan na they can find a better person. Don’t settle for red flags. I’m just so glad na na-appreciate nung judges yung message ng song. Hopefully lahat po ng makarinig ng song ay hindi lang ma-LSS, kumbaga masapuso nila at ma-inspire sila sa song.”
 
Para naman kay FANA, isang “dream come true” na masungkit ang grand prize para sa “Wag Paglaruan.”  
 
Samantala, pinangalanang 1st runner-up ang Bisaya entry ni Keith John Quinto na “Buhi” na inawit ni Ferdinand Aragon. Ang “Papahiram” naman ni Rinz Ruiz na kinanta nina Moira at Johnoy Danao ang nagwagi bilang 2nd runner-up.
 
Wagi naman ng dalawang special awards ang “Kurba” ni Alvin Serito na inawit Maki. Nakuha nito ang Smart People’s Choice award habang ang music video nito na gawa ng Chapters PH ay pinangalanang MYX Choice Award for Best Music Video.
 
Nakibahagi rin ang Artist on a Mission na si Kristine Lim sa patimpalak sa paggawa ng espesyal na tropeyo para sa mga nagwagi. 
 
Itinampok din noong finals night na ginanap noong Sabado (Marso 22) sa New Frontier Theater ang iba pang top 12 songs. Inawit ni Ice Seguerra ang “ATM” entry ni Francis Contemplacion, binigyang buhay ni Jolianne ang “Dili Na Lang” ni Relden Campanilla, nagbigay ng magaling na performance si Khimo sa “Ghostwriter” ni Kevin Yadao, habang inawit ni Geca Morales, kasama sina Lyka Estrella at Annrain, ang sarili niyang entry na “Langit Lupa.”
 
Naroon din ang P-pop group na VXON na kinanta ang “MHWG” ni Rob Angeles, si Kurt Fick na inawit ang “Salamat (Nga Wala Na Ta)” ni Jimmy Ricks, si Noah Alejandre para sa entry ni Maric Gavino na “Taliwala,” habang kinanta ni Shantel Cyline Lapatha ang kanyang isinulat na “Tulala.”
 
Kabilang sa mga naging hurado sa finals night ang magagaling na songwriters na sina Jungee Marcelo, Nica del Rosario, Trina Belamide, at Yumi Lacsamana, si Billboard Philippines editor-in-chief Bret Jackson, at ang ABS-CBN Global managing director na si Maribel Hernaez. Nakibahagi rin sa okasyon sina ABS-CBN Music and Integrated Events head Roxy Liquigan, ABS-CBN Global COO Jun del Rosario, ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo, at tanyag na musician na si Noel Cabangon. 
 
Dumalo rin ang National Artist for Music at Philpop Musicfest Foundation executive director na si Ryan Cayabyab sa pagdiriwang na nagsilbi ring selebrasyon ng ika-50 taon ng OPM.
 
“Ang tagal po nating hinintay itong finals na ito pero sa wakas, ito na po siya at we are also celebrating the 50th anniversary of OPM,” aniya.
 
Naghandog ng OPM classics ang guest performers na sina Erik Santos, BGYO, Sheena Belarmino, Esang de Torres, Jason Dy, Maymay Entrata, Jeremy G, at Kyla.
 
Nagbalik-tanaw din ang event sa ilang nagwaging Philpop at Himig Handog entries na kinanta naman nina Bituin Escalante, Gello Marquez, Angela Ken, Jarea, Yumi Lacsamana, Janah Zaplan, at Jed Madela kasama rin sina Jason, Jeremy, Esang, at Kyla.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 2 PHOTOS FROM THIS ARTICLE