Kailangan pa ba ng label sa isang relasyong nagpapatibok ng iyong puso?
Nakakakilig at nakaka-intrigang kwentong pampag-ibig ang handog nina Charo Santos at Dingdong Dantes sa pelikula nilang “Only We Know," na isinulat at idinerehe ni Irene Emma Villamor at mapapanood sa mga sinehan simula Hunyo 11.
Tampok sa “Only We Know" ang nakakaantig na samahan sa pagitan ng dalawang taong labis na nagmamahalan na para bang may sariling mundo kapag kapiling ang isa’t isa.
Para kina Charo at Dingdong, nakaka-intriga ang kwento ng pelikula dahil nag-uumapaw ang damdamin ng kanilang mga karakter pero sila lang ang makakasabi kung ano nga ba talaga sila sa buhay ng isa’t isa.
“It is a story about love, however you want to define it. Love between two people - no labels. We learned how to not be afraid to go with the flow. It was about finding love in each other. It is only Betty and Ryan who can define the beautiful kind of relationship that they have,” sabi ni Charo sa panayam ng ABS-CBN News.
“It’s also a story about redefining labels. Ang interesting sa pelikula na ito ay babasagin nito ang kahulugan ng label na ‘kailangan pa ba natin ng label sa ganitong klaseng magandang samahan o kung ano man ang itatawag natin kung sa ano ang meron tayo?’ ayon kay Dingdong.
Makikilala sa kwento si Betty (Charo), isang masayahing babae ngunit nangangapa pa sa bagong yugto ng kanyang buhay matapos mag-retiro bilang English teacher. Maaaring mabigyang-linaw ang ilang tanong niya sa buhay nang makilala ang gwapong engineer na si Ryan (Dingdong), na nahihirapan naman magmove-on matapos ang biglaang pagpanaw ng kanyang asawa.
Unti-unting mamumuo ang isang espesyal na relasyon sa pagitan nina Betty at Ryan sa kabila ng malaki nilang agwat. Handa na nga ba nilang magpakatotoo at panindigan kung ano man ang nararamdaman nila para sa isa’t isa?
Ang “Only We Know” ay nasa ilalim ng produksyon ng Cornerstone Studios, AgostoDos Pictures, Star Cinema, at 7K Entertainment. Kabilang din sa cast sina Shamaine Buencamino, Joel Saracho, Al Tantay, Max Collins, Soliman Cruz, Isabel Oli, Johnny Revilla, Rafa Siguion Reyna, Yesh Burce, at Gil Cuerva.
Samahan sina Betty at Ryan sa kanilang kwentong pag-ibig sa “Only We Know,” na mapapanood sa mga sinehan simula Hunyo 11.
Para sa iba pang mga detalye, sundan ang Star Cinema sa
Facebook,
X,
Instagram,
YouTube, at
TikTok.. Para sa updates sundan ang @abscbnpr sa
Facebook,
Twitter,
Instagram, and
TikTok, o bisitahin ang
corporate.abs-cbn.com/newsroom.