News Releases

English | Tagalog

Coco at Julia, excited mag-perform para sa mga taga-Kenya

June 14, 2025 AT 09 : 36 AM

ABS-CBN marks its first major event in Africa with a meet-and-greet opportunity with two of its biggest artists

CocoJul, unang Kapamilya stars na dadalhin ng ABS-CBN sa Africa
 
Excited na sina Coco Martin at Julia Montes na makasalamuha ang mga Kapamilya sa Kenya para sa isang bigating meet-and-greet event upang personal na magpasalamat sa kanila sa panonood ng mga programa ng ABS-CBN.

Natutuwa at nagpapasalamat nga sina Coco at Julia na mapabilang sa makasaysayang event na “Kapamilya Live in Kenya” dahil ito ang unang beses na dadalhin ng ABS-CBN ang kanilang mga artista sa Africa.

“Excited na kaming mapuntahan ‘yung mga tao sa Africa na hindi namin ineexpect na nakakapanood ng aming trabaho at ating mga teleserye na ginagawa natin sa ABS-CBN,” sabi ni Coco sa panayam ng ABS-CBN News.

“Ang sarap sa pakiramdam na parang it’s time to give back and ma-appreciate ng mga tao na nanonood sayo. Ito ‘yung time naman na pasiyahin natin sila,” dagdag ni Julia.

Bukod sa iba’t ibang performances mula kina Coco at Julia, marami pang inihandang sorpresa ang ABS-CBN para sa “Kapamilya Live in Kenya” bilang pasasalamat sa ilang taong pagsubaybay ng mga taga-Africa sa mga Kapamilya teleserye tulad ng “Walang Hanggan” (“My Eternal”), "Doble Kara,” "FPJ’s Ang Probinsyano" (“Brothers”), at marami pang iba. 

Hanggang ngayon, patuloy ang pag-arangkada sa Africa ng mga programa ng CocoJul dahil napapanood pa rin sa StarTimes channel ang action-drama serye ni Coco na “FPJ’s Batang Quiapo” (“Gangs of Manila”), habang ipapalabas ulit sa Hulyo ang romantic drama na “Walang Hanggan” (“My Eternal”) ng CocoJul, at ngayong Setyembre ang heavy drama na “Saving Grace” ni Julia.

Samantala, nakipag-partner ang ABS-CBN sa StarTimes, ang nangungunang digital TV operator sa Africa, at sa KTN, isa sa sikat na TV stations ng Kenya, para sa news coverage ng “Kapamilya Live in Kenya.”

Mahigit dalawang dekada nang umeere sa iba’t ibang bansa sa Africa ang mga programa ng ABS-CBN. Ilan lamang sa mga napapanood na Kapamilya teleserye ngayon ay ang “Can’t Buy Me Love,” “Lavender Fields,” “What’s Wrong with Secretary Kim,” “Senior High,” at marami pang iba. 

Para sa iba pang mga detalye para sa “Kapamilya Live in Kenya” na gaganapin sa Hunyo 28 sa Nairobi Cinema, bisitahin ang https://bit.ly/kapamilya-live. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE