News Releases

English | Tagalog

Maki, ipinakilala ang kulay na "Kahel na Langit" sa bagong awitin

June 24, 2025 AT 10 : 53 AM

Maki unveils a new color-themed single "Kahel na Langit" from his upcoming album "KOLORCOASTER."

Kinilala bilang Asian Artist of the Year sa 2025 Music Rank Asian Choice Awards

Panibagong kulay ang hatid ni Maki sa kanyang latest single na “Kahel na Langit” na kumuha ng inspirasyon sa isang taong itinuturing na takbuhan sa panahon ng pagsubok.

“The feeling of yearning or longing for someone after realizing na ikaw lang ang nagbubuhat sa sarili mo tapos wala kang taong mapag-vent out. Bago ka matulog, maiisip mo na nami-miss mo yung taong napagsasabihan mo ng mga problema mo,” saad niya.

Isinulat at iprinodyus ni Maki ang awitin kasama sina Tati de Mesa, Jacob Clemente, at Shadiel Chan habang inareglo ito ng kanyang banda na the Zushibois na binubuo ng producers na sina Tati, Job Lopez, Sammy Icaranom, at Ian Moscare. Si Maki rin ang nagco-direct ng music video nito kasama si Ingrid Ignacio ng Wonderlast na inilunsad niya sa Mall of Asia Amphitheater nitong Hunyo 14 kasama ang jam-packed crowd na binubuo ng Zushis, ang tawag sa kanyang fans.

Tampok ang bagong awitin at iba pa niyang color-themed anthems na “Dilaw,” “Namumula,” at “Bughaw” sa upcoming album ni Maki na “KOLORCOASTER” na ilulunsad ngayong taon.

Kamakailan ay kinilala si Maki bilang Asian Artist of the Year sa 2025 Music Rank Asian Choice Awards sa Japan.

Nasungkit agad ng “Kahel na Langit” ang pinakamalaking streaming debut para sa isang OPM song sa Spotify Philippines na may 206.5K streams sa unang araw. Nakakuha rin ito ng mahigit 3 million streams sa loob ng labing-isang araw at tampok din sa iba’t ibang editorial playlists tulad ng Spotify New Music Friday Philippines at Hot Hits Philippines.

Samantala, umani na ng 300,000 views ang music video nito habang ang lyric video naman ay nasa ikasampung pwesto ng trending for music ng YouTube.

Matapos ang “Maki-Concert” regional tour sa Baguio, Cagayan De Oro, at Cebu, bibisita rin si Maki sa US kasama ang Silent Sanctuary at sa Canada kasama si James Reid ngayong Hunyo at Hulyo.

Damhin ang kulay ng “Kahel na Langit” na napapakinggan sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa detalye, sundan ang Tarsier Records sa Facebook, X (Twitter), Instagram, TikTok, at YouTube.

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok. o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE