News Releases

English | Tagalog

"FPJ's Batang Quiapo," nagpapasalamat sa mataas na TV ratings at online views

June 28, 2025 AT 01 : 02 PM

“FPJ’s Batang Quiapo” expresses its gratitude to Filipinos who continue to watch Tanggol’s action-packed encounters

Pakikipagsapalaran ni Tanggol patuloy na tinututukan ng mga Pilipino

Taos-pusong nagpapasalamat sa mga Pilipino ang lahat ng bumubuo ng “FPJ’s Batang Quiapo” matapos itong magtala ng 20.4% average na national TV rating para sa urban at rural households noong Hunyo 23-26, kumpara sa 16.0% na nakuha ng katapat na programa ayon sa datos ng Kantar Media.

Nanatiling most-watched teleserye sa bansa ang programang pinagbibidahan ni Coco Martin matapos itong magkamit ng national TV rating na 20.2% kumpara sa 17.1% ng kalaban sa pagbubukas ng linggo noong Hunyo 23.

Mas lalo pang kinapitan ng mga Pilipino ang episode kung saan namatay ang kontrabidang karakter ni McCoy De Leon noong Hunyo 24 na nakakuha ng national TV rating na 21.3% kumpara sa kalaban na nakakuha ng 16.2%.

Nagpatuloy ang lamang ng Kapamilya teleserye sa Hunyo 25 na episode na nagrehistro ng national TV rating na 19.2% laban sa katapat na programa na nagtala ng 15.4%. Tinutukan pa rin ang palabas ng ABS-CBN noong Hunyo 26 na episode na nagtala ng national TV rating na 20.7% kumpara sa 15.4% ng katapat na serye.

Namamayagpag din ang “FPJ’s Batang Quiapo” pagdating sa online viewership dahil nagtala ito ng mahigit kalahating milyon o 600,000 daily peak concurrent viewers, o mga sabay-sabay na nanood sa Kapamilya Online Live sa YouTube, para sa parehong panahon. 

Kamakailan ay nangako ang Primetime King na si Coco Martin sa isang panayam na handog ng “FPJ’s Batang Quiapo” ang sunod-sunod na umaatikabong eksena at pasabog na rebelasyon para sa lahat ng mga Pilipinong patuloy na sumusubaybay sa buhay ni Tanggol.

Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWant, at Kapamilya Online Live. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para makakuha ng updates sa “FPJ’s Batang Quiapo,” bisitahin ang batangquiapo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE