Brent Manalo and Mika Salamanca, known as BreKa, clinched the Big Winner title of “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition,” making history as the first Kapuso-Kapamilya duo to win in the show's special season.
Tampok ang panalo, makasaysayang collab ng taon
Wagi ang duo na BreKa nina Brent Manalo at Mica Salamanca matapos hiranging Big Winner sa makasaysayang collab ng taon sa Big Night ng “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition” nitong Sabado (July 5).
Nakakuha ang “Ang Gentle‑Linong Heartthrob ng Tarlac” na si Brent at ang “Ang Controversial Ca‑Babe‑Len ng Pampanga” na si Mika ng pinakamataas na public votes na 33.03%. Mag-uuwi ang duo ng P1 milyong cash prize.
Ayon kay Kapuso Big Winner Mika, “Hindi po sapat ang mga salitang ‘masaya,’ ‘mahal ko kayo,’ at ‘salamat po’ para ipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Lahat po ng ito ay para sa inyo—para sa pamilya ko, sa mga nagmamahal, at para sa amin ni Brent.”
“Gusto ko lang pong sabihin na kapag puso ang panlaban, anything is possible. God is good,” dagdag naman ni Kapamilya Big Winner Brent.
Itinanghal namang Second Big Placer Duo ang RaWi (Ralph de Leon at Will Ashley) na nakakuha ng 25.88% votes at mag-uuwi ng tig-P500,000. Sinundan sila ng Third Big Placer Duo na CharEs (Charlie Flemming at Esnyr Ranollo) na nakakuha ng 22.91% votes at mag-uuwi ng tig-P300,000. Pumuwesto naman sa ika-apat ang AZVer (AZ Martinez at River Joseph) na may 8.77% votes at tatanggap ng tig-P200,000.
Itinuturing na makasaysayang collab ng taon ang yugto ng “PBB Celebrity Collab Edition” bilang kauna-unahang season na nagtampok ng celebrity housemates mula sa Star Magic ng ABS-CBN at Sparkle ng GMA Network, kasabay ng pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng “Pinoy Big Brother” ngayong taon.
Pinangunahan ang Big Night ng hosts na sina Bianca Gonzalez, Gabbi Garcia, Robi Domingo, Kim Chiu, Melai Cantiveros, Enchong Dee, Alexa Ilacad, at Mavy Legaspi.
Tampok din ang pasabog performances nina Bianca Umali, Michelle Dee, Donny Pangilinan, at “PBB Collab” ex-housemates.
Balikan ang ilang best moments kasama ang Kapamilya at Kapuso housemates sa “Pinoy Big Brother” official YouTube channel at on-demand via iWant.
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, TikTok, at Threads o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.