As the rainy season wears on in the Philippines, ensure your family’s safety by staying vigilant and prepared with these practical tips from the 2018 KBP Golden Dove Awards Best TV Public Service Program “Red Alert.”
Ngayong panahon ng habagat at malakas na ulan, higit na kailangan ang paghahanda at pag-iingat. Alamin ang tips para makaiwas sa trahedya at manatiling ligtas ang buong pamilya mula sa “Red Alert,” ang 2018 KBP Golden Dove Awards Best TV Public Service Program.
- Mag-antabay ng weather updates sa TV at Radyo. Kapag may internet access, subaybayan ang mga pinakabagong balita sa social media.
- Kaagad lumikas sa hudyat ng inyong LGU. Kapag narinig na ang mando na mag-evacuate, agad na sumunod dahil mas mahalaga ang buhay kaysa kagamitan.
- Alamin ang mga panganib sa inyong lugar. Suriin ang mga mapa sa NOAH website at PhilVolcs website para malaman kung saang lugar ang madalas mabaha at gumuho ang lupa. Alamin ang mga delikadong lugar sa komunidad at karaniwang sanhi ng sakuna.
- Bago pa dumating ang bagyo, suriin kung matibay ang bubong at pader ng bahay. Putulin rin ang mga nakalaylay na bahagi ng puno sa bubong o haligi at tignan kung mayroong mga nakalabas na kable.
- Maghanda bilang isang pamilya. Ayon sa NDRRMC spokesperson na si Edgar Posadas, susi ito sa kaligtasan. Alamin kung saan ang evacuation centers. Sanayin ang pamilya sa dapat gawin sa panahon ng delubyo. Alamin kung saan pupunta, kanino lalapit, at kanino tatawag. Kung sakaling lulusong sa baha, kargahin na lang ang mga batang ililikas. Wag sila ilagay sa planggana o batsa dahil maaari itong mabitawan.
- Maghanda ng emergency go-bag napaglalagyan ng pagkain at iba pang gamit na pang-likas. Siguraduhing matibay at hindi ito papasukan ng tubig. Mag-baon ng pagkain na sapat na sa buong pamilya sa loob ng tatlong araw. Tipirin ang baterya ng cellphone at maghanda ng powerbank para maaaring makatawag ng saklolo.
- Kung may kapamilyang may sakit o special needs ihanda ang kanilang mga kailangan gaya ng gamot. Isama rin ito sa go-bag.
- Kapag naabutan ng baha habang nagmamaneho, hangga’t maaari, huwag ilusong ang sasakyan sa mataas na baha. Maghanap ng ibang ruta na walang baha o igilid muna ang sasakyan hanggang humupa ang baha. Kung kinakailangan, iwan ang kotse at maglakad sa mas ligtas na lugar.
- Mag menor kapag malakas ang ulan dahil takaw aksidente kapag basa ang kalsada. Kung gumewang-gewang ang sasakyan, huwag diinan ang preno para maiwasang mag-skid ang kotse. Dumistansya sa kasunod na sasakyan.
- Sa oras ng sakuna, tumawag sa mga emergency hotline para masaklolohan. Tumawag sa national emergency hotline na 911 at gamitin ang #rescueph kung nangangailangan ng saklolo.
Para sa iba pang paalala at kaalaman upang maprotektaham ang pamilya sa peligro, tutukan ang “Red Alert” kasama si 2018 KBP Golden Dove Awards Best TV Public Affairs anchor Jeff Canoy tuwing Miyerkules, 9:30 pm sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng “Bandila” sa ABS-CBN, at tuwing Huwebes ng 6:30 pm sa Jeepney TV. Manood online sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph. Sundan ang programa sa Facebook (@RedAlertABSCBN) at Twitter (@ABSCBNRedAlert). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.