Tampok ang mga awitin nina Leon, Sarvi, at Yondi
Makulay na kuwento ng pag-ibig ang handog ng DNA Music artists na sina Leon, Sarvi, at Yondi sa kanilang mga awitin.
Ipinamalas ng baguhang hip-hop artist na si Yondi ang versatility sa dalawang singles na inilunsad niya. init ng damdamin para sa taong mahal ang ibinida niya sa single na “Malupit Na Alaga” habang pagbabalik-tanaw sa lumipas na pag-ibig ang binigyang diin niya sa “Bumabalik.” Mula sa komposisyon ni Yondi at produksyon ni ALAS ang mga awitin na sumasalamin sa melodic flow at soulful storytelling ng singer-rapper.
May pangako ng pagmamahal ang baguhang singer-songwriter na si Leon sa single na “Dadalhin Sa Langit.” Tungkol ito sa pagkakaroon ng tapang na magmahal at pangakong hahawakang ang kamay ng taong iniibig sa gitna ng saya at hirap ng buhay. Isinulat ito ni Leon at iprinodyus nina Dan Simon at Vonne Vallon. Maririnig sa mga komposisyon ni Leon ang influences ng rock, disco, funk, at blues.
Mapait na katotohanan naman ang hinarap ng bagong Kapamilya singer na si Sarvi sa debut single na “di ka para sakin.” Isinulat ni Sarvi at iprinodyus ni Angelo Zipagan ang ballad track na tungkol sa pagpapalaya sa taong iniibig kahit na may dalamhati itong dala. Unti-unting gumawa ng pangalan ang singer-songwriter mula sa Bulacan sa pamamagitan ng kanyang viral busking performances.
Damhin ang pag-ibig sa musika ng DNA Music artists na napapakinggan sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang DNA Music PH sa Facebook, X, Instagram, at YouTube.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.







