7 bagong Valentine's anthems, hatid ng iba't ibang Kapamilya artists

February 13, 2025 AT 10:04 AM

 Tampok ang mga awitin nina Lyka, Marlo, Sheryn, at iba pa

Handog ng Kapamilya artists na sina CIANNE, Jade, Jericho Streegan, Lyka Estrella, Marlo Mortel, Ron Solis, at Sheryn Regis ang kanilang Valentine’s offering na sumasalamin sa iba’t ibang kwento at pagsubok sa pag-ibig.

Nagbabalik sa music scene ang Crystal Voice of Asia na si Sheryn hatid ang comeback single na “Pangalawa.” Ang bagong Star Music release ay mula sa komposisyon ni Sheryn at N. Arnel De Pano na tumatalakay sa pagiging second choice sa isang relasyon.

Love confession naman ang ibinahagi ng “It’s Showtime” host na si Cianne Dominguez sa bagong awitin na “Shot Puno” na mapapakinggan simula Peb. 14 (Biyernes). Tungkol ito sa pag-asang mabibigyang pansin ang iniibig ng puso.

Samantala, paghihintay sa tamang tao ang ibinida ng award-winning vocal coach at dating “Pilipinas Got Talent” season 5 contestant na si Jade Riccio sa kanyang single na “Kailan Kaya.” Iprinodyus at isinulat ito ni Jade kasama sina Gabriel Frias at Cholo na nakikisimpatiya sa alinlangan ng mga tao pag dating sa pag-ibig.

Mala-love at first sight naman ang naging mensahe ng Tarsier Records artist na si Jericho Streegan sa “Unsa’y Gibati.” Sa Tagalog-Cebuano na kanta, ikinuwento ni Jericho ang atraksyon na nararamdaman niya para sa espesyal na taong nais niyang makilala.

Pumapag-ibig din ang “Tawag ng Tanghalan” season 6 winner na si Lyka Estrella sa bagong kanta na “Hayy Langga” na mapapakinggan sa Valentine’s day. Proud na ipinakita ni Lyka ang pagiging tubong Gensan sa awitin na pinaghalong Tagalog at Bisaya. Tungkol ito sa saya na dala kapag kasama ang taong iniibig. Isinulat niya ito kasama si ABS-CBN Music operations at creative head Jonathan Manalo.

Unti-unting pagkawala ng pagmamahal ang naging mensahe ni Marlo Mortel at Krissee Mallari sa kanilang collab na “Manhid.” Sinulat nila ang pop R&B duet para sa mga taong hindi na masaya sa kanilang relasyon. 

Full of love naman ang mensahe ng New York City at Rio de Janeiro-based singer-songwriter na si Ron Solis sa bagong kanta na “You.” Ayon kay Ron, sinulat niya ang awitin mula sa karanasan niya sa pag-ibig at kung paano nagiging unibersal na wika ang pag-ibig para sa taong minamahal, sa pamilya’t kaibigan, at maging sa sarili.

Damhin ang kwento ng pag-ibig sa bagong musika ng ABS-CBN Music na mapapakinggan sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom