Tampok ang mga awitin mula kina Marlo, Yumi, atbp.
Mga bagong awitin na swak ngayong tag-init ang hatid ng ABS-CBN Music artists na sina Marlo Mortel, Yumi Lacsamana, Thor, BAN, Chie, at Guel na sumasalamin sa kwento ng pag-ibig at muling pagsisimula.
Bagong pag-ibig ang ibinida ni Marlo Mortel sa kanyang awitin na “Adik Na Rin” na mapapakinggan simula Biyernes (Mayo 9). Si Marlo mismo ang nag-compose ng bagong Star Music release na may mensahe ng unti-unting pagkahulog ng loob sa isang espesyal na tao. Sinundan nito ang singles niya na “Tag-init” at “Manhid.”
Sa ilalim ng tindi ng sikat ng araw, damang-dama ang “Walls” ni Yumi Lacsamana, isang pop-R&B track na tumatalakay sa pagbagsak ng “emotional walls” para sa taong minamahal. Mula ito sa komposisyon at produksyon ni Soc Villanueva at Thyro Alfaro na binibigyang diin ang tapang para maipakita ang tunay na nararamdaman. Mula sa pagiging bahagi ng award-winning duo na Thyro & Yumi at boses sa likod ng hit song na “Dyosa,” patuloy siyang nag-iiwan ng marka sa OPM scene.
Pangako na panghabang buhay na pag-ibig ang itinampok ng “Tawag ng Tanghalan” season 8 grand finalist na si Thor sa single na “Bahagi.” Isinulat niya ito habang si ALAS ang nag-prodyus ng awitin na nagpapakita ng husay ni Thor sa pagbibigay ng emosyon sa bawat kanta gamit ang kanyang malambing na tinig.
Masakit ngunit matapang na katotohanan ang ikinuwento ng dating “The Voice Teens Philippines” season 1 contestant na si Archie “Chie” Aguilar sa kanyang bagong awitin na “Uunahan Na Kita.” Inilahad ni Chie sa awitin ang bigat ng pag-amin na may iba na siyang mahal. Mula ito sa komposisyon at produksyon ni Kiko “KIKX” Salazar. Sinundan nito ang recent singles niya na “Isa Pa” at “Sana Ikaw Naman.”
Mainit din ang tagpo sa kantang “Let Me Say” ng indie-pop artist na si Guel. Isinulat ng bagong Old School Record artist ang awitin na tumatalakay sa pakiusap na manatili sa gitna ng unti-unting pagtatapos ng isang relasyon. Kilala si Guel sa indie pop scene dahil sa pagsusulat ng mga kanta mula sa murang edad na 13 na sumasalamin sa kanyang nakakaantig na paraan ng pagkukuwento.
Samantala, nagsama naman ang bagong Kapamilya artists na sina BAN at Thor para sa alternative-indie single na “Muli.” Ang awitin ay isang madamdaming ballad na tumatalakay sa pananatili sa gitna ng saya at pagsubok sa buhay. Kamakailan ay inilabas ni BAN ang kanyang debut single na “Magparaya” habang ang “Muli” naman ang unang single ni Thor sa ilalim ng Old School Records.
Damhin ang feels ng summer love sa bagong musika ng ABS-CBN Music na napapakinggan sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.