Listicles

English | Tagalog

5 bagong love anthems mula sa DNA Music

April 08, 2026 AT 03:16 PM

Bagong musika nina Ben Mara, Dan Lagroma, Dan Martel, Izza Escueta, at Nico Crisostomo

Mula sa paghahanap ng espesyal na taong magsisilbing safe space sa oras ng pagsubok hanggang sa pagbabalik-tanaw sa nakalipas na pag-ibig, may handog na bagong love songs ang DNA Music artists na sina Ben Mara, Dan Lagroma, Dan Martel, Izza Escueta, at Nico Crisostomo.

Heartfelt na mensahe ang hatid ni Ben Mara sa “Alagaan,” kung saan binigyang diin niya ang pananatili at pagdamay sa taong iniibig sa panahon ng kalungkutan. Mula ito sa orihinal na komposisyon ni Ben, habang iprinodyus ito ni Angelo Zipagan. Lumaki ang baguhang singer sa pamilya ng mga mang-aawit at nabuo ang pagkahilig niya sa musika sa murang edad. Nagsilbing guitar head si Ben ng Ateneo Musicians Pool at naging musical influences niya sina Rico Blanco, John Mayer, Ichyworms, at Jimi Hendrix. Inilabas niya ang single na “Exam” noong 2025 sa ilalim ng DNA Music.

Mala-jeepney ride na kwento naman ang ibinida ni Dan Lagroma sa bagong kanta na “Byahe Ng Jeep.”  Isinulat at iprinodyus ni Dan ang awitin na tungkol sa kagustuhan tumakas at mahanap muli ang daan pabalik sa pag-ibig. Noong Pebrero, inilabas ng Kapamilya singer ang extended play (EP) na “Throwback Vol. I” tampok ang limang song covers. 

Handang tumaya sa pag-ibig si Dan Martel sa bagong awitin niya na “Ipakita Mo Lang.” Mula sa komposisyon ni Dan at Joseph Ponce at produksyon ni Dan Simon ang kanta na umiikot sa pagdadalawang-isip na sumubok na umibig. Kilala ang tubong Marikina singer sa indie-alternative sound at nakapaglabas din siya ng singles tulad ng “Ibang Planeta” at “Palayo Sa Daigdig.”

Relatable na mensahe tungkol sa one-sided love ang ibinahagi ni Izza Escueta sa debut single na “Aguy!” Isinulat ni Izza at iprinodyus ni Ryan Sarmiento ang awitin na tumatalakay sa pagiging manhid ng taong iniibig. Mula sa Mindanao ang singer-songwriter na unti-unti gumagawa ng pangalan dala ang distinct na pop-rock style.

Madamdamin naman ang dating “Idol Philippines” season 2 contestant na si Nico Crisostomo sa bagong single na “Wala Na.” Nakasama ni Nico sa pag-compose sina Kevin Yadao, Roly Halagao, at Angelo Zipagan na nagsilbing producer din ng awitin. Inaalay ni Nico ang awitin para sa mga taong binabalikan ang alaala ng dating pag-ibig, habang unti-unting natutong pakawalan ang taong mahal. Noong 2025, inilunsad ni Nico ang debut single na “Dahan-Dahan” at ilan sa kanyang musical influences ay sina Justin Bieber, Bruno Mars, at Ed Sheeran.

Napapakinggan ang bagong love songs ng DNA Music sa iba’t ibang digital streaming platforms at sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. Para sa ibang detalye, sundan ang DNA Music PH sa Facebook, X, Instagram, at YouTube

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom



PHOTOS

DOWNLOAD ALL 10 PHOTOS FROM THIS ARTICLE

5 bagong love anthems mula sa DNA Music