Mga kantang dapat pakinggan mula sa rising Kapamilya artists
Patuloy na naghahatid ang ABS-CBN Music ng mga bagong awitin mula sa mga umuusbong na Kapamilya singers at banda. Mula sa mga kwento ng pag-ibig, pangungulila, paghilom, at paglalakbay sa buhay, tampok sa pitong awitin ang sari-saring emosyon at karanasang tiyak na makaka-relate sa listeners.
Espesyal na tao na nagsilbing tahanan ang ibinida ng bandang Enzo sa awitin na “Stay With You.” Tungkol ito sa dalawang tao nagmamahalan kahit na may malaking distansya na namamagitan sa kanila. Isinulat ito ni Enrico Decheta at iprinodyus ni Ryan Sarmiento bilang ikatlong single ng banda sa ilalim ng DNA Music. Mapanakit na kanta para sa mga patuloy na umaasa ang handog ng pop-rock band na Yellowpad dala ang bagong single na “Gusto Pa Rin Kita.” Mula sa komposisyon at produksyon ni Angelo Zipagan ang awitin na umiikot sa patuloy na pagmamahal kahit na wala itong kasiguraduhan.
Hango naman sa matao at maingay na siyudad ang kantang “Cubao” ng Bed Potato. Ipinaalala ng banda sa awitin na may lugar para sa lahat anuman ang pinagmulan at pagkakakilanlan. Isinulat ito ni Orly Van Andre Putong at iprinodyus ni Angelo Zipagan. Tahimik na pag-ibig ang ipinakilala ni Ched Valencia sa bagong single na “Lihim.” Isinulat ni Ched ang awitin limang taon na ang nakalipas na sumasalamin sa lihim na pagtingin at pag-asang mapansin ng taong minamahal.
Nakakakilig na mensahe ang hatid ni Izza Escueta sa “Noon At Hanggang Ngayon” na isinulat niya mismo kasama si Ryan Sarmiento, na nagsilbing producer din nito. Mula sa simpleng paghanga hanggang sa matatag na pangako, inilalarawan ng kanta ang init at sinseridad ng classic Filipino romance. Tampok sa music video sina dating “Pinoy Big Brother” housemates Inigo Jose at Reich Alim.
Samantala, sinimulan ni Erghyll ang kanyang recording career sa pamamagitan ng debut single na “Magbabalik sa Panaginip.” Isinulat ni Erghyll o EJ Panganiban ang kanta, habang si Miguel Haleco naman ang nagprodyus nito. Tinutuklas ng pop-alternative track ang masalimuot na relasyon na paulit-ulit na umiikot sa hindi pagkakaunawaan, sakit, at pag-ibig. Ito rin ang pangunahing track ng kanyang debut extended play (EP) na “Isang Magandang Bangungot” na inilabas sa ilalim ng StarPop.
Damhin ang himig ng bagong awitin mula sa ABS-CBN Music na napapakinggan sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa karagdagang detalye, sundan ang Tarsier Records sa Facebook, X, Instagram, TikTok, at YouTube.












