Michele Gumabao joins "The Score's" sports squad to help break down and analyze volleyball games as well as feature and interview athletes off the court.
Patuloy na pinalalawak ni volleyball superstar at beauty queen Michele Gumabao ang kanyang kakayanan sa pagpasok niya sa bagong larangan – ang pagho-host.
Nilunsad ang pambato ng Pilipinas sa Miss Globe 2018 bilang isa sa mga host ng bagong “The Score” ang pangunahing programa ng ABS-CBN S+A na nagbago ng format simula ngayong Oktubre.
Sa presscon ng programa, nabanggit ni Michele na kailanman hindi niya matatalikuran ang sports.
“Sa tingin ko iba ‘yung passion talaga kapag naglalaro ka ng sports at kung nanonood ka ng sports. ‘Pag naglalaro kasi ako iba yung feeling sa loob ng court, ibang feeling kasama yung teammates mo,” sabi ng dating star player ng DLSU Lady Spikers.
Sabi ni Mico Halili, ang pangunahing anchor ng programa, swerte ang komunidad ng sports dahil hindi iniwan ni Michele ang volleyball para makipagsapalaran sa showbiz. Dating housemate sa “Pinoy Big Brother: All In” si Michele at kapatid ng Kapamilya actor na si Marco Gumabao.
“Masaya ako na hindi niya iniwan ang volleyball. Mahal na mahal ni Michele ang volleyball at masaya kami na ibabahagi niya yung pagmamahal at pagka-eksperto niya sa ‘The Score.’”
Bukod sa kanyang abilidad bilang manlalaro, dinagdag pa ni Mico na mahusay din si Michele sa pagpapaliwanag sa laro ng volleyball.
“Noong nainterview ko siya dati, nakita ko agad iba ‘yung pagtingin niya sa sport, iba yung pag-explain niya sa game,” aniya.
Naipamalas na rin ni Michele, na kasalukuyang naglalaro sa Premier Volleyball League para sa Creamline Cool Smashers, ang kanyang kaalaman sa volleyball bilang isang game analyst para sa ABS-CBN Sports. Pero mas maraming siyang screen time sa “The Score” kung saan gagawa siya ng mga feature at magi-interbyu para sa programa.
“Bibigyan natin ang mga manonood ng mas malalim at mas malamang mga istorya tungkol sa mga kapwa ko atleta, kung paano ang buhay namin sa labas ng court, kasi yun ang gustong malaman ng karamihan. Wala naman talaga ang kasikatan ng isang sport kung hindi dahil sa fans namin. Paraan ito para masuklian ang kanilang suporta,” sabi niya.
Sasamahan sina Michele at Mico ng sports squad ng programa nina Allan Caidic, Eric Menk, Jimmy Alapag, Beau Belga, Joe Devance, Chris Newsome, LA Tenorio, at ang isa pang volleyball superstar-turned-host na si Gretchen Ho, na karibal ni Michele noong naglalaro pa sila sa UAAP.
Panoorin sina Michele Gumabao at ang tropa ng sports squad sa pinaigting na “The Score” kasama si Mico Halili mula Lunes hanggang Biyernes, LIVE ng 1 pm sa ABS-CBN Sports Youtube channel at 6 pm sa primetime sa ABS-CBN S+A and S+A HD.
Para sa balita at karagdagang impormasyon, bumisita sa
sports.abs-cbn.com at sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook at Twitter. Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Instagram, at Twitter o bisitahin ang
www.abscbnpr.com.