After a six-month closure, the Philippines’ tourism hotspot is finally reopening on October 26. Broadcast icon Ted Failon returns to Boracay to show the result of the government’s rehabilitation efforts and uncover other issues surrounding its closure in “Failon Ngayon’s” ninth anniversary special airing this Saturday (October 13) at 11 pm on ABS-CBN.
Ted Failon, iimbestigahan ang rehabilitasyon ng Boracay
Handa na ba ang Boracay sa muling pagdagsa ng mga turista?
Matapos ang higit sa anim na buwang pagsasara, muling bubuksan ang Boracay sa Oktubre 26. Samahan si Ted Failon sa kanyang pagbabalik sa isla upang ipakita ang isinagawang rehabilitasyon ng gobyerno at talakayin ang mga isyung nakapaligid dito sa ika-9 anibersaryong episode ng “Failon Ngayon” ngayong Sabado (Oktubre 13) ng 11 pm sa ABS-CBN.
Noong nakaraang Abril 26, nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang ipagbawal ang pagpasok ng turista sa Boracay matapos lumabas ang mga balita sa malalang kundisyon ng isla dulot ng mga ilegal na istruktura, maling pagtapon ng basura, pagkukulang sa sanitasyon, at iba pang paninira sa kalikasan.
Ngayong bubuksan na muli ang isla, babalik si Ted para siyasatin ang mga isinagawang pagsasaayos sa Boracay. Ano nga ba ang mga pagbabagong ipinatupad sa Boracay? Ano pa’ng mga isyu ang hinaharap ng paraisong ito? Paano naapektuhan ang mga negosyante at residente roon at ano ang gagawin ng gobyerno upang siguraduhin na hindi ito masisira ulit?
Aalamin nina Ted ang sagot sa mga tanong na ito bilang pagpapatuloy sa pagsusuri nila sa estado ng Boracay, na sinimulan ng programa noong 2012.
Simula noong ipinalabas ang “Failon Ngayon” noong 2009, masusi nitong tinatalakay at hinihimay ang mga importanteng isyu sa bansa. Kabilang sa mga dokumentaryo nitong tinutukan ng manonood ang “Kalamidad sa Pabahay” tungkol sa mga anomalya sa housing projects ng National Housing Authority (NHA) at ang “Pamana ng Mina” tungkol sa peligrong dala ng pagmimina sa bansa.
Panoorin ang espesyal na episode ng “Failon Ngayon,” ang Best Documentary program ng 2018 Golden Dove Awards at 2018 Aral Parangal Awards, sa ika-9 anibersaryo nito ngayong Sabado (Oktubre 13) ng 11 pm sa ABS-CBN. Sundan ang kanilang Facebook page sa www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage at @Failon_Ngayon sa Twitter. Itweet ang mga tanong at opiniyon gamit ang hashtag na #FN. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Instagram, at Twitter, o pumunta sa abscbnpr.com