Patuloy ang paghahatid ng aral at makabuluhang balita ng ABS-CBN sa mga manonood sa pamamayagpag nito noong Setyembre at pagtala ng average audience share na 44%, kumpara sa 33% ng GMA, ayon sa datos ng Kantar Media.
ABS-CBN ang nangunang network sa parehong urban at rural homes, partikular na sa Metro Manila sa pagkamit nito ng 41% laban sa 28% ng GMA; sa Total Luzon sa pagrehistro nito ng 39%, kumpara sa 36% ng GMA; sa Total Visayas sa pagtala nito ng 53% kontra sa 25% ng GMA; at sa Total Mindanao sa pagtala nito ng 51%, at tinalo ang 26% ng GMA.
Muling naghari ang “FPJ’s Ang Probinsyano” (43.3%) sa ikatlong anibersaryo nito, na sinundan naman ng “TV Patrol” (33.3%) na nanatiling pinakapinanood na newscast sa bansa.
Pasok din sa top ten ang “Ngayon at Kailanman” (28.4%), “The Kids’ Choice” (26.7%), “Meteor Garden” (24.2%), “Maalaala Mo Kaya” (24.1%), “Wansapanataym” (23.8%), at “Home Sweetie Home” (22.0%).
Inabangan din ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks, partikular na sa primetime matapos nitong magkamit ng average audience share na 47%, kumpara sa 34% ng GMA. Ang primetime block ang pinakaimportanteng parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Pilpino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang malaking parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.
Tinutukan din ang Kapamilya network sa morning block (6AM – 12NN) matapos nitong magtala ng average audience share na 41%, kumpara sa 32% ng GMA; sa noontime block (12NN – 3PM) sa pagrehistro nito ng 44%, kontra sa 32% ng GMA; at sa afternoon block (3PM – 6PM) sa pagkamit nito ng 43%, laban sa 34% ng GMA.