Haharapin ni Donnie 'Ahas' Nietes si Kazuto Ioka ng Japan sa bisperas ng bagong taon
May bagong susubok sa kamandag ni Donnie ‘Ahas’ Nietes sa pagharap ng longest-reigning Pinoy boxing champion sa Hapong si Kazuto Ioka sa “Pinoy Pride Presents: Nietes vs Ioka” sa ABS-CBN S+A sa huling araw ng taon (Disyembre 31) ng 9 pm.
Halos tatlong buwan ding nagpahinga ang pambato ng Pilipinas nang mag-tabla sila ng katunggali at kapwa-Pinoy na si Aston Palicte sa The Forum sa Inglewood, California, Estados Unidos, noong Setyembre.
Haharapin ni Nietes (41-1-5, 23 KOs) si Ioka na may tangang 23-1, 13 KOs na kartada. Pagtatalunan ng dalawa ang bakanteng trono ng World Boxing Organization (WBO) Super Flyweight na dibisyon. Ito rin mismo ang nabigong pagsungkit ni Nietes na sintron kontra kay Palicte.
Para sa mananaliksik at boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino, si Ioka na ang pinakamahirap na makatapat ni Nietes sa puntong ito ng kanyang karera.
“Kalaban na ngayon ni Nietes ang pagtanda at isang batang Ioka na mahilig bumira ng mga suntok. Ang maganda kay Nietes, mahusay siya sa depensa at interesanteng makita kung kaya niya pa ang matinding opensiba na tiyak manggagaling kay Ioka. Ang lamang ni Nietes dito, hindi magalaw ang ulo ni Ioka at halos parati itong nabibitag sa isang sapakang parang away-kanto; at dito niya matitikman ang matinding counter ni Nietes,” bahagi ng analyst.
Magkakaroon naman ng replay ang buong kartada ng “Pinoy Pride Presents: Nietes vs Ioka” sa S+A sa Enero 1 ng bagong taon ng 12 am at 7:30 pm. Maaaring mapanood ng live ang kanilang laban sa SKY Sports PPV sa halagang P199, tumawag lang sa 418 0000 o puntahan ang pinakamalapit na opisina ng SKY sa inyong lugar.
Abangan ang bakbakang Nietes at Ioka sa “Pinoy Pride Presents: Neites vs Ioka” sa S+A at S+A HD sa huling araw ng 2018, Disyembre 31 ng 9 pm.
Bukod pa riyan, mapapanood din ang “Best of Pinoy Pride 2018” sa darating na Pasko (Disyembre 25) ng 6:30 pm at Disyembre 28 ng 9 pm. Nariyan din ang palabas ng S+A at ALA Boxing na pinamagatang “IDOL,” kung saan magpapamalas ang mga batang boksingero ng kanilang galing sa darating na Disyembre 23 sa ganap na 7 pm.
Para sa balita sa sports, sundan ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o pumunta sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang
www.abscbnpr.com.