News Releases

English | Tagalog

Huling pelikula ni Wenn Deramas, maagang pamaskong handog ng iWant

December 04, 2018 AT 03:01 PM

Taon-taong inaabangan ng mga Pinoy ang mga pampamilyang pelikula ni Wenn Deramas tuwing Pasko. Muling magbibigay-ligaya ang batikang direktor ngayong DIsyembre sa huling pelikula niyang “Everybody Loves Baby Wendy” na mapapanood sa iWant, ang bagong streaming service ng ABS-CBN.

Isang "Wenn-derful" Christmas na puno ng halakhak at puso ang handog ng iWant original movie kung saan tampok ang kwento ni Wendy (Alex Gonzaga), isang dating child star na lumaos matapos maisapubliko ang isang insidente ng pagdadabog niya.

Lalaki si Wendy na dala-dala ang ilusyong mahal pa rin siya ng publiko. At dahil breadwinner at kailangang maghanapbuhay para sa pamilya, susubukin niyang angkinin ang dating bituin at sasabak sa auditions ng sari-saring reality shows at TV competitions.

Dito mapapagtanto ni Wendy na wala nang kinang ang kanyang bituin. Sa kabila ng kabiguan at sama ng loob, aalukin naman siya ng trabaho ng isang secret fan -- ang pagiging barista sa isang coffee shop. Dito niya makikilala ang dalawang lalaking magpapatibok sa kanyang puso (JC De Vera at Matt Evans).

Ano kaya ang matututunan ni Wendy sa pakikipagsapalaran niya bilang isang ordinaryong taong naghahabol ng pangarap? Makuha pa kayang muli ni Wendy ang inaasam na tagumpay at kasikatan? 

Kasama rin sa cast sina Tetchie Agbayani, Nikki Valdez, Isay Alvarez, Atak, Tess Antonio, Carla Humphries, Gold Villar, Angel Sy, Juvylyn Bison, Marco Santiago, at Rhed Bustamante, kasama ang special participation nina Cris Villanueva, Rubi Rubi, June Macasaet, Axel Torres, Josh De Guzman, Ruby Ruiz, at Vincent De Jesus.

Ang “Everybody Loves Baby Wendy” ang huling pelikula ni Wenn Deramas at tinapos naman ng direktor na si Allan Chanliongco.

Mapapanood nang libre ang “Everybody Loves Baby Wendy” simula Miyerkules (Disyembre 5) sa bagong iWant, sa iOS at Android apps o sa pamamagitan ng web browser (iwant.ph).
 
Para sa karagdagang updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, at sundan ang @iwant sa Twitter at @iwantofficial sa Instagram, at mag-subscribe sawww.youtube.com/iWantPH.