Dennis Padilla, “It’s Showtime’s” “Funny One” winner Donna Cariaga, and more stars are set to join the award-winning sitcom of ABS-CBN TVplus' CineMo.
Matinding tawanan ang maaasahan sa ikalimang season ng “Funny Ka, Pare Ko,” sa CineMo dahil makakasama na nina Karla Estrada at Bayani Agbayani sina Dennis Padilla, “It's Showtime's” "Funny One" winner na si Donna Cariaga, at co-finalists ni Donna na sina Anthony Andres at James Caraan simula Mayo 6.
Gaganap si Donna Cariaga bilang ‘hugoterang’ probinsyanang pinsan ni Carla (Karla Estrada) na mahuhulog ang loob sa bagong caretaker ni Nonong (Nonong Ballinan) na si James (James Caraan). Magbibigay sigla rin sa bagong season ang co-finalist ni Donna na si Anthony Andres bilang isang pulpol na notaryo publiko na may sideline na cellphone loading.
Ngunit ang pagdating ni Dennis Padilla bilang ang corrupt na real estate tycoon na si Don Jovi ang yayanig sa mundo nina Carla at Bigboy (Bayani Agbayani). Plano ni Don Jovi na gawing shopping mall ang lupang kinatatayuan ng Delyon Eatery na pag-aari nila Carla at Bigboy. Pero dahil ayaw ng mag-asawa na ipagbili ang naipundar na negosyo, mapipilitan si Don Jovi na gumamit ng mga illegal na paraan para mabili ang lupa.
Haharapin din ng mag-asawa ang pagiging foster parents sa bibo at cute na si Niknok (Benjie Mendoza), na kanilang nakilala sa isang bahay ampunan. Magdadala si Niknok ng ligaya at kulay sa buhay ng mag-asawa dahil isang chef na sa sikat na hotel ang anak na si Jay-Ar (Igi Boy Flores).
Dahil layunin ng “Funny Ka, Pare Ko” na ibahagi ang kahalagahan ng pagiging masaya sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, patuloy pa rin ang pagsanay ng mga baguhang komikeros sa Tawa ng Tanghalan ng Delyon Eatery na pangungunahan ni Bigboy.
Kayanin kaya nina Carla at Bigboy na tawanan ang kanilang mga bagong pagsubok? Ano ang maitim na balak ni Don Jovi? Anong papel ni Niknok sa pamilyang Delyon?
Tinanghal bilang Best Comedy Program sa 15th Gawad Tanglaw Awards noong 2017 ang “Funny Ka, Pare Ko,” ang unang sitcom sa Philippine digital free TV, samantalang nanalo namang Best TV Actor in a Comedy Program si Bayani Agbayani sa 25th KBP Golden Dove Awards.
Kabilang din sa bagong season sina Grae Fernandez (Grae), Kira Balinger (Princess), ang Komikeros na sina NongNong at Diego Castro, Jayson Gainza (DongDong), Alora Sasam (Pags), “It’s Showtime’s” “Miss Q and A” first hall of famer Juliana Parizcova Segovia (Meatring), Alex Calleja (Kap Al), at “It’s Showtime’s” “GirlTrends” member, Erin Ocampo (Gretchin).
Huwag palampasin kung paano haharapin ng pamilyang Delyon bilang pamilya ng comedy ang mga nakakatawang pagsubok sa buhay sa “Funny Ka, Pare Ko” ng CineMo simula Mayo 6 (5-6 PM) sa ABS-CBN TVplus.