Patuloy ang pamamayagpag ng tambalan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa iba’t ibang panig ng mundo dahil bukod sa mapapanood na sa Myanmar ang kanilang serye na “La Luna Sangre” ay nakatakda ding ipalabas sa Latin America ang kanilang pelikulang “She’s Dating the Gangster” via Spanish-language movie channel na Cinelatino.
Dahil sa naisarang deal ng ABS-CBN International Distribution sa MKCS Global, apat na Kapamilya serye kabilang din ang “And I Love You So,” “Born For You,” at season two ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ang maipapalabas sa dalawa sa pinakamalaking FTV channels sa Myanmar na MWD at MRTV 4.
Taong 2011 nang unang magsanib pwersa ang ABS-CBN at MKCS Global. Mula noon, nadala na sa Burmese viewers ang dekalibreng Pinoy teleseryes tulad ng “Born For You,” “Tubig at Langis,” “Be My Lady,” at “All of Me.”
Bukod naman sa “She’s Dating The Gangster,” mapapanood naman sa Latin America maging sa US at Canada ang Star Cinema films na “Unexpectedly Yours,” “Four Sisters and a Wedding,” “Bride for Rent,” “Always Be My Maybe,” at “Extra Service” dahil sa kasunduan ng ABS-CBN sa Cinelatino.
“Ipinagmamalaki namin ang tagumpay na ito at patuloy naming ginagawa ang aming makakaya para magbigay ng dekalibreng mga programa at pelikula na may cast at kwento na pasok sa panlasa ng iba’t ibang kultura. Malaking tulong rin ito para mas maipakilala ang Pinoy talent sa global stage,” sabi ni Macie Imperial, VP for Integrated Acquisitions and International Sales and Distribution ng ABS-CCBN.
Napapanood ang mga palabas ng ABS-CBN sa ibang bansa sa pamamagitan ng ABS-CBN International Distribution.