News Releases

English | Tagalog

Libo-libong bata, may libreng school bag mula sa “Gusto Kong Mag-Aral” ng Operation Sagip

June 01, 2018 AT 09:40 AM

Thousands of kids get new school bags through Operation Sagip’s “Gusto kong Mag-aral” project

Thousands of Filipino children are going to school this June with greater hope and excitement after receiving brand new bags and school supplies through the “Gusto Kong Mag-Aral” project of ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc.’s (ALKFI) Operation Sagip.

Papasok nang may bitbit na tuwa at pag-asa ang libo-libong estudyante ngayong pasukan matapos makatanggap ng bagong bag at school supplies sa pamamagitan ng proyektong “Gusto Kong Mag-Aral” ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc.-Operation Sagip.

Tulad noong 2017, lumilibot ang Operation Sagip sa iba’t ibang paaralan sa bansa upang mamigay ng gamit pang-eskwela sa mga mag-aaral, nang sa ganun ay lalo silang ganahang pumasok at tapusin ang kanilang pag-aaral.

Noong ika-30 ng Mayo, umabot na sa 62,892 bags ang naihatid at napamigay maging sa malalayong probinsya tulad ng Abra sa Luzon, Samar sa Visayas, at Tawi Tawi sa Mindanao. Aabot sa 105,000 mga batang estudyante ang inaasahang mabibigyan ng bag ngayong school year.

Muling nagpasalamat ang pinuno ng ABS-CBN Integrated Public Service at direktor ng Operation Sagip na si Jun Dungo sa mga nagbigay ng donasyon, nagboluntaryo, at naniwala sa layunin ng proyekto.

“Nasa kamay ng ating mga kabataan ang kinabukasan ng bansa. Hangarin ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya na tulungan silang maghanda sa hinaharap sa pag-enganyo sa kanilang magsikap sa pag-aaral hanggang sila ay makapagtapos. Hindi namin ito magagawa kung hindi sa suporta ng ating mga Kapamilyang indibidwal at organisasyon,” aniya.

Bago pa ang paglunsad sa “Gusto Kong Mag-Aral” noong 2017, aktibo na ang Operation Sagip sa pag-kampeon sa edukasyon sa paggawa at pagkumpuni ng mga classroom at paglarga ng “Ronda Eskwela,” na proyektong katulad ng “Gusto Kong Mag-Aral.”

Ilan pa sa pinuntahan nila ngayong taon ang Mountain Province, Occidental Mindoro, Apayao, Ilocos Sur, Cavite, Rizal, at Laguna sa Luzon; Capiz, Aklan, Antique, Leyte, Bohol, Biliran, Eastern Samar, at Iloilo sa Visayas; at Lanao Del Norte, Sulu, Bukidnon, Surigao Del Norte, Surigao Del Sur, Davao Oriental, Zamboanga Del Norte, at Compostela Valley sa Mindanao.

Para sa impormasyon kung paano makatulong sa proyektong “Gusto Kong Mag-Aral” ng Operation Sagip, bumisita sa www.abs-cbnfoundation.com o sa Facebook page ng ALKFI sa www.facebook.com/abscbnfoundationkapamilya.  Para sa updates, sundan @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abscbnpr.com.