Almost a year after she stepped on the “It’s Showtime” stage for the first time, Juliana Parizcova Segovia was named “Miss Q and A” 2018 in the competition’s grand finals last Saturday (June 30) held at Resorts World Manila.
Halos isang taon matapos unang makatungtong sa “It’s Showtime” stage, kinoronahang “Miss Q and A” 2108 ang kauna-unahan ding hall of famer ng kumpetisyon na si Juliana Parizcova Segovia noong Sabado (June 30) sa grand finals na ginanap sa Resorts World Manila.
Base sa scores ng sampung celebrity judges, si Juliana ang nagbigay ng pinakamagandang “final answer” sa tanong na “Ano ang pinakamahirap na tanong at bakit?”
Sinagot naman ito ni Juliana ng, “Ano ang kinatatakutan mo?” dahil umano sa takot niyang mawala ang ina na itinuturing niyang inspirasyon sa kanyang mga laban.
Natalo ni Juliana ang isa pang hall of famer na si Matrica Matmat Centino na itinanghal na first runner-up, at si Lars Pacheco na naging second runner-up naman.
Nag-uwi naman si Juliana ng retoke package na nagkakahalagang P500,000, trip para sa dalawang tao sa Thailand, business franchise na nagkakahalagang P900,000, ang “Miss Q and” na korona at tropeo, at P1 milyon.
Isa si Juliana sa maituturing na early favorites ng kumpetisyon dahil bukod sa pagiging unang hall of famer, marami ring views at positibong kumento online ang mga sagot niyang madalas ay malaman, malalim, at may kaugnayan sa lipunan.
Mula sa sampung grand finalists, pumasok si Juliana sa top six, at lumusot ulit sa top three matapos matalo si Elsa Droga sa Debattle round.
Naging makasaysayan din ang pagtatapos ng unang season ng “Miss Q and A” dahil isinulong nito ang malalim na perspektibo sa pagkakaiba-iba ng lahat at sabay na idinaos sa Pride March na naglalayong pagbuklurin ang mga miyembro ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community.
Isang makulay na number ang nagbukas sa programa tampok ang LGBT icon at host na si Vice Ganda, kasama ang “Miss Q and A” candidates na suot-suot ang costumes na taglay ang lahat ng kulay ng bahaghari, ang simbolo ng LGBT community.
Nagsilbi namang mga hurado sina at Jugs Jugueta at Teddy Corpuz, Karylle, fashion designer na si Paul Cabral, Miss Universe-Philippines 2018 Catriona Gray, Miss Grand International 2016 first runner-up Nicole Cordoves, aktor na si JM De Guzman, mixed martial artist Brandon Vera, mamamahayag na si Korina Sanchez, at ang King of Talk na si Boy Abunda.
Namahagi rin ng special awards ang “Miss Q and A” grand finals, kabilang na ang Beks in Costume para kay Elsa, Beks in Chukchak o pagpapakilala ng sarili para kay Odessa Jones, Beshie ng Bayan or Miss Congeniality para kay Gianna Castiliogne Francisco, Beks in Long Gown para kay Benzen Galope, at Ganda Ka? Award o ang pinaka-photogenic kay Lars.
Inilunsad ang “Miss Q and A” sa “It’s Showtime” noong Hulyo 2017 upang bigyan ng pagkakataon ang mga gay men at transgender women na ipakita ang kanilang galing at talas sa pagsagot sa iba’t ibang uri ng tanong.
Sa pagtatapos ng “Miss Q and A” grand finals na pinamagatang “Miss Q and A: The Final Answer… And I Thank You!” inianunsyo rin na magbabalik pa ang patimpalak para sa ikalawang season.