Kinilala ang galing at kontribusyon ni Charo Santos sa sining ng pelikula matapos siyang gawaran ng Icon Award sa katatapos lang na 2018 Eddys o Entertainment Editors’ Choice Awards noong Lunes (Hulyo 9).
“Napakarami pong biyaya at pagkakataong (ibinigay sa akin) makapagdala ng magagandang kwento na nagpasaya, nagpaluha, at nagbigay ng aral at inspirasyon para sa inyong lahat. Maraming-maraming salamat po sa inyong pagmamahal at suporta,” sabi ni Charo sa kanyang acceptance speech.
Nag-umpisa bilang aktres si Charo sa mga pelikula at nanalong Best Actress sa 1977 Asian Film Festival para sa pelikulang “Itim.” Una siyang pumasok sa ABS-CBN bilang Television Production Consultant noong 1987 matapos niyang maging line producer para sa iba’t-ibang prestihiyosong film production companies. Naging Film Production Manager din siya para sa Experimental Cinema of the Philippines. Kasalukuyan siyang napapanood bilang host ng longest-running drama anthology sa Asya na “Maalaala Mo Kaya.”
Iniluklok naman si Charo bilang president and chief operating officer ng ABS-CBN noong 2008 at kalaunan ay naging chief executive officer noong 2013.
Maliban naman sa ABS-CBN executive, ginawaran din ng Eddys Icon Award ang mga respetadong mga bituin na sina Susan Roces, Eddie Garcia, at Maricel Soriano, pati na rin sina Nora Aunor at Gloria Romero.
Samantala, nakatanggap din ng parangal si Aga Muhlach mula bilang best actor para sa kanyang pagganap sa “Seven Sundays” at ang pelikula ni Coco Martin na “Ang Panday” naman ang nakasungkit ng Best Visual Effects Award.
Ang Eddys o Entertainment Editors’ Choice Awards ay binubuo ng SPEEd o Society of Philippine Entertainment Editors na naglalayong bigyan ng pagkilala ang mga likha ng local filmmakers at mga aktor.