News Releases

English | Tagalog

Julia at Shaina, sanib-puwersa na para sa katotohanan sa "Asintado"

July 26, 2018 AT 12:01 PM

Nanaig na ang dugong nananalaytay sa magkapatid na sina Ana (Julia Montes) at Samantha (Shaina Magdayao) ngayong isinantabi na nila ang kanilang galit upang lumabas ang katotohanan sa pagkamatay ng kanilang magulang sa “Asintado.”

Nakipagtulungan na nga si Samantha kay Ana matapos malamang si Salvador (Nonie Buencamino) ang utak sa pagkawala ng kanilang pamilya at magkasama na silang nag-iimbestiga upang isiwalat ang lahat ng krimen ng kanilang kalaban.

Ngunit agad din silang humarap sa bingit ng kamatayan nang pasabugin ni Miranda (Lorna Tolentino), ang kalaguyo ni Salvador, ang kotseng kanilang sinasakyan na naglagay naman kay Ana sa peligro. Lubos naman nitong pinalambot ang puso ni Samantha sa takot na muling mawala sa piling niya ang kapatid.

Sa kabila naman ng pagkakasundo nila, nananatili pa rin ang posibilidad na muli silang magkasira ngayong lumalalim na rin ang relasyon nina Ana at Gael (Paulo Avelino). Magiging mas mahirap din para kay Xander (Aljur Abrenica) ang kanilang misyon dahil na rin sa patuloy na paglayo ng puso ni Ana sa kanya.

Hanggang saan nga ba magsasakripisyo sina Ana at Samantha para sa kanilang misyon?

Panoorin ang maaaksyong kaganapan sa “Asintado” tuwing hapon sa Kapamilya Gold sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.