News Releases

English | Tagalog

"Star Hunt," tulay ng mga Pinoy sa pagtupad ng pangarap

September 06, 2018 AT 03:28 PM

Tuloy-tuloy ang paghahanap ng bituin ng “Star Hunt,” ang programang nagtataguyod sa tatak-Kapamilyang pagbibigay ng oportunidad sa mga Pilipinong makapasok at makapagpakitang gilas sa iba’t ibang talent at reality competitions ng ABS-CBN.

Mula nang nagsimulang umere ang “Star Hunt” noong Agosto, naipasilip sa mga manonood hindi lang ang mga pinagdadaanan ng mga Kapamilyang masipag na pumipila sa mga audition, kundi pati na rin ang inspirasyon sa likod ng kanilang mga pangarap at ang daan nila tungo sa pag-abot nito.

“I’ve always believed that the Philippines is a country of entertainers and I think it’s something that we can be proud of. We’re committed to help push Filipino talent globally, at panahon nang tulungang mapansin at makilala ang Pinoy talent sa buong mundo. Gusto naming makilala bilang isang kumpanyang magpapatuloy na ipagmalaki ang talento ng mga Pilipino mapa-behind the scenes o sa harap man ng camera,” ayon sa TV production head ng ABS-CBN na si Laurenti Dyogi.

Ibinahagi ni direk Lauren na audition ang pinakapaborito niyang bahagi ng isang kumpetisyon dahil hindi lang ito pagpapakitang gilas ng talento kundi pagkilala sa pagkatao ng mga auditionee. “There’s a gem in everybody, kung makikinig ka lang sa mga kwento nila. Lagi akong naghahanap ng personality na unique – walang kamukha, walang katipo na pwede palang maging sikat,” aniya.

Simula nang ilunsad ang “Star Hunt” auditions, nakapagbigay na ito ng pag-asa sa mga Star Dreamers o auditionees na naging o maaaring maging bahagi ng “I Can See Your Voice,” “Tawag ng Tanghalan,” “Dance Kids,” “MMK,” “Pinoy Big Brother” at ang paparating na dance competition na “World of Dance Philippines.”
Ilan lamang dito si Jam Labitigan, isang singer-songwriter mula Lucena na tumugon sa “Tawag ng Tanghalan” at itinanghal na daily winner noong nakaraang linggo. Binigyang pagkakataon ding ipakita ang kanyang talento si Leslie Ordinario ng Laguna na naging winning see-nger sa “I Can See Your Voice” at naka-duet pa ang “TNT” grand champion na si Janine Berdin.

Napansin din ng “Star Hunt” ang talento sa pagpapatawa ni Jefford Balote ng Naga na ang mga video ay naging viral online at nafi-feature na rin sa telebisyon. Dahil dito, inimbitahan siyang maging miyembro ng lumalaking pamilya ng Adober Studios, ang pinakamalaking multi-channel network ng online stars at creators sa bansa.

Napa-“I, thank you” na rin ang Boholanong barangay kagawad na si Danger Peligro matapos siyang pinasok ng “Star Hunt” sa “Miss Q and A” ng “It’s Showtime.”

Hindi naman nagpahuli ang 51 anyos na nanay na si Arlene Acosta ng Pampanga na inilaban ang kanyang pangarap. Matapos mag-audition, binigyan siya ng pagkakataong magka-eksena sa “Home Sweetie Home” at makilala ang cast nito, kabilang na si Piolo Pascual.

Mula naman Leyte, lumipad patungong ABS-CBN studio ang magtropang beatbox duo na sina Rens Lucas Jr. at Jhoex Dapiton sa “Banana Sundae” at nakasama pa sa eksena sina Zanjoe Marudo at Angelica Panganiban sa episode na mapapanood sa Setyembre 16.

Handa na ring humataw sa “World of Dance Philippines” ang teen dancers na sina Mhejie Dela Cruz ng Bulacan, Heather Asiatico ng Caloocan, Jade Carno ng Nueva Vizcaya, Kysha Navarro ng Butuan, at Alyzza Tinio ng Cavite.

Ilan lamang sila sa mga Star Dreamer na pumila, nagpakitang gilas, at taas-noong binitbit ang kanilang mga kwento at ambisyon sa mga audition.

Samantala, madadagdagan pa ang mga bituing kikinang dahil mas maraming Pilipino pa ang maaabot ng “Star Hunt” auditions sa Japan sa Setyembre 8 at 9, HongKong sa Setyembre 23, Ilocos sa Setyembre 24, at Davao sa Oktubre 6 at 7.

Panoorin ang “Star Hunt” na pinangungunahan ng hosts na sina Kim Chiu, Alex Gonzaga, Robi Domingo, at Melai Cantiveros, Lunes hanggang Biyernes ng hapon sa ABS-CBN. Para sa updates, pumunta lamang sa fb.com/starhuntabscbn o i-follow ang @ starhuntabscbn sa Twitter at Instagram.