News Releases

English | Tagalog

ONE champ Joshua Pacio, lalaban para sa “Eternal Glory” LIVE sa S+A

January 10, 2019 AT 01:57 PM

ONE champ Joshua Pacio fights for “Eternal Glory” LIVE on S+A

Joshua Pacio faces Yosuke Saruta in his first title defense in ONE Championship's first offering for 2019.

Itataya ng Pinoy mixed martial arts (MMA) superstar na si Joshua “The Passion” ang kanyang ONE Championship Strawweight World Championship belt kontra sa beteranong Hapon na si Yosuke Saruta sa nalalapit na “Eternal Glory” fightcard, na mapapanod ng LIVE sa ABS-CBN S+A at S+A HD sa Enero 19 ng 11 pm mula mismo sa Jakarta, Indonesia.
 
Pagkatapos ng kanyang matagumpay na 2018, kung saan nasungkit niya ang korona ng dating kampeon na si Yoshitaka Naito, papatunayan naman ni Pacio (13-2, 11 Submissions) na hindi ito tsamba lamang sa kanyang unang pagdepensa. Naniniwala ang mga analyst na sa mas lumakas na pag-atake ng 22-anyos na mandirigma mula sa Team Lakay, kakayanin niya ang kalabang si Saruta (18-8), kahit na mas matanda ito at mas beterano sa kanya.
 
“Iyong bersyon ni Pacio noong 2018 ang pinakamagaling na porma niya. Mula sa pinamalas niya sa laban kay Naito, malaki na ang hinusay ni Pacio sa kanyang grappling at pag-posisyon, kasabay ng mga kakampi niya sa Team Lakay. Sa edad na 22, isa na siya sa mga pinaka-kumpletong manlalaban ng Team Lakay, kung saan ihinahalo niya ang kanyang husay sa striking at sa patuloy na paghasa ng kanyang grappling, kaya niyang makipag-sabayan sa mga bigatin sa kanyang dibisyon,” bahagi ng manunulat ng ABS-CBN Sports para sa MMA at section editor na si Santino Honasan.
 
Dagdag naman ng isa pang MMA analyst na si Nissi Icasiano, kailangan lang ni Pacio ulitin ang ginawa niya ka Naito. “Kung ano ang kanyang plano sa pagtalo kay Naito, iyon din dapat ang kanyang sundan kontra kay Saruta dahil halos magkapareho ang istilo ng dalawa. Ngunit makakalamang si Pacio pagdating sa striking sa kabuuan ng laban pati na ang kanyang mga takedown at pinahusay na grappling,” sabi niya.
 
Nangako naman ang chairman ng ONE Championship na si Chatri Sidyodtong sa fans sa kanyang Twitter na magiging pasabog para sa organisasyon ang taon ng 2019 at sisimulan nila ito sa “Eternal Glory.” Bukod kay Pacio, sasabak din ang kanyang kakampi sa Team Lakay na si Edward Kelly (11-5, 5 KOs) sa undercard, kung saan makakaharap niya uli ang tinalo niya noong Setyembre na si Christian Lee (10-3, 6 KOs) ng Singapore.
 
Madepensahan kaya ni Pacio ang kanyang korona gamit muli ang kanyang “Passion Lock?” Huwag palampasin ang unang pagdepensa niya sa kanyang ONE Strawweight World Championship sa “Eternal Glory” fightcard ng ONE Championship na eere sa S+A sa Enero 19 ng LIVE sa ganap na 11 pm mula sa Jakarta, Indonesia.
 
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa mundo ng MMA at iba pang combat sports, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.