Communication students outside Metro Manila will get the chance to learn more about the trends and the changing landscape of the media industry as ABS-CBN and the Philippine Association of Communication Educators (PACE) brings the Pinoy Media Congress (PMC) to different campuses in the country through the PMC Caravan.
Mga eksperto sa balita, musika, at pelikula, magbabahagi ng kaalaman
Hindi na kailangan pang bumiyahe ng malayo ang mga kabataang nais pang lumawak ang kaalaman sa industriya ng media dahil dadalhin ng ABS-CBN at Philippine Association of Communication Educators (PACE) ang Pinoy Media Congress (PMC) sa iba’t ibang campus sa labas ng Metro Manila para sa kauna-unahang PMC Caravan.
Sa unang larga ng PMC Caravan ngayong Biyernes (Oktubre 4) sa Baguio, ibabahagi ng mga batikang propesyunal sa media na sina Chiara Zambrano ng ABS-CBN News, Atty. Marivic Benedicto ng Star Music, at ABS-CBN head of Film Restoration Leo Katigbak ang kanilang karanasan at mga natutunan sa mga estudyante ng Saint Louis University at mga kalapit nitong paaralan.
Samantala, makakapanood rin ang mga dadalo sa PMC Caravan ng libreng classic Filipino film o kaya ay matuto sa libreng documentary workshop na hatid ng ABS-CBN DocuCentral sa pangunguna ni ABS-CBN Integrated News and Current Affairs production unit head Carmina Reyes. Iimbitahan din ang mga estudyante ni Knowledge Channel head Danie Sedilla-Cruz na sumali sa “Class Project: Intercollegiate Mini-Documentary Competition.”
Labintatlong taon nang isinasagawa ng ABS-CBN at PACE ang PMC at mahigit 12,000 delegado na ang natulungan nitong maihanda sa kanilang papasuking larangan sa media. Mas dumami pa ang naabot nito sa satellite broadcast ng PMC sa mga campus sa Visayas simula noong 2017. Ngayong taon, PMC mismo ang lilibot sa iba’t ibang paaralan sa Pilipinas para isulong ang media literacy at turuan ang mga susunod na communication professionals sa bansa. Pagkatapos ng Baguio, dadayo rin ang PMC Caravan sa Cavite, Cebu, at Davao ngayong 2019.
Para sa detalye sa PMC at PMC Caravan, sundan ang @ABSCBNPMC sa Facebook. Para sa impormasyon sa “Class Project: Intercollegiate Mini-Documentary Competition,” bisitahin ang
www.pinoymediacongress.com. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang
www.abscbnpr.com.