Napuno ng inspirasyon ang mahigit 800 estudyanteng delegado sa Lyceum of the Philippines University (LPU) Cavite matapos makinig sa mga kwento ng mga eksperto sa media sa ikalawang paglarga ng Pinoy Media Congress (PMC) Caravan ng ABS-CBN.
Ani Jeff Canoy, ituring daw nilang “love letter” sa publiko ang pamamahayag at maging maliksi sa kanilang pagku-kwento, tulad ng kanyang natutunan sa kanyang karanasan bilang dating student journalist sa Ateneo hanggang maging isang ganap na mamamahayag at dokumentarista sa TV at online.
Ipinaalala ni Pete Dizon, ang pinakabatang business unit head ng Kapamilya network na nasa likod ng tagumpay ng “It’s Showtime,” na maaaring makagawa ng malaki at makabuluhang bagay kahit bata pa sila, na kanyang napatunayan sa kanyang mabilis ngunit mahirap na pag-angat sa industriya.
Sabi naman ni ABS-CBN head of Creative Communications Management Robert Labayen, maaari nilang makamit ang balanse kung saan nagtatagpo ang talento nila at nais gawin, sa kung ano ang pangangailangan ng mundo. Kwento niya, dati ay nangangarap lang siyang magsulat ng mga kanta sa Bicol, kung saan siya lumaki. Ngunit ngayon sa kanyang trabaho, kung saan nangunguna siya sa paggawa ng mga sikat na Station ID ng ABS-CBN, nagagamit na niya ang talento sa pagsusulat ng mga awitin para sa mga ito.
Naipamalas din ni ABS-CBN Film Restoration head Leo Katigbak ang kanyang pagmamahal sa pelikulang Pilipino sa paglalahad niya ng mga ginagawa ng ABS-CBN upang manatiling buhay at muling mapanood ang mga klaskikong pelikula ng bansa na bahagi na ng ating kasaysayan at kultura.
Wika ng delegado si Ella Bonilla, mas pinahahalagahan na niya ngayon ang media, dahil nakita niyang may mas malalim itong layunin. Ang gurong sir Derrick Ordones naman, nakikinita na ang magandang kinabukasan ng media sa bansa dahil sa mga taong patuloy na nilalaan ang kanilang pagka-malikhain dito.
Samantala, naghandog sa student-delegates ng espesyal na performances sina "Tawag ng Tanghalan" season 3 champion Elaine Duran, first runner-up John Mark Saga, second runner-up John Michael dela Cerna, at "BidaMan" heartthrobs Jin Macapagal, JR Baring, at Dan Delgado.
Sunod na ba-byahe ang PMC Caravan sa Cebu sa Nobyembre 8 kasama naman sina ABS-CBN News Public Service and Bayan Mo, iPatrol Mo head Rowena Paraan, ABS-CBN head of Print Publishing at Ide8 Mark Yambot, “It’s Showtime” business unit head Pete Dizon, at ABS-CBN Film Archives head Julie Galino sa Cebu Normal University. Tulad sa Baguio at Cavite, aasahan ng mga estudyante ang libreng film screening at documentary-making workshop ng ABS-CBN DocuCentral production unit head Carmina Reyes. Makakasama rin ang Knowledge Channel head na si Danie Sedilla-Cruz para imbitahan silang sumali sa ikatlong “Class Project Intercollegiate Mini-Documentary Competition.”
Proyekto ng ABS-CBN at Philippine Association of Communication Educators’ (PACE) ang taunang Pinoy Media Congress na mahigit 12,000 estudyante na ang napaglingkuran sa loob ng 13 taong pagsasagawa nito. Para mas marami pang maabot, sinimulan ng ABS-CBN ang interactive live broadcast ng conference sa Visayas noong 2017. Ngayong taon, lilibutin ng ABS-CBN ang bansa sa pagdadala ng PMC sa iba-ibang lugar para magdala ng kaalaman at inspirasyon sa mga kabataan sa labas ng Metro Manila.
Para sa mga detalye sa PMC at PMC Caravan, i-follow ang @abscbnpmc sa Facebook at Instagram. Para naman sa impormasyon sa “Class Project: Intercollegiate Mini-Documentary Competition,” bumisita sa
www.pinoymediacongress.com. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa
abs-cbn.com/newsroom.