Nagiba ang tahanan ni Mary Grace Salina ng Davao del Sur at muntik pang masawi ang kanyang sanggol na anak dahil sa malakas na lindol na tumama sa Mindanao. Maswerte lang na nasagip agad ng bayaw ni Mary Grace ang kanyang anak, at ngayon isa siya sa mga pansamantalang naninirahan sa mga tolda.
“Sobrang hirap talaga. Takot na takot kami. Kasi ito (anak) maliit pa. Hindi namin alam kung ano ang gagawin namin,” pahayag ni Mary Grace habang dinuduyan ang anak sa isang panayam sa “TV Patrol.”
Isa lamang si Mary Grace sa napakaraming pamilyang lumikas dahil sa lindol, ngunit hindi nawawalan ng pag-asa dahil may mga organisasyon tulad ng ABS-CBN Foundation Inc. (AFI) na agad tumugon sa kanilang pangangailangan at nagpakita ng pagmamahal at suporta.
Ayon sa pinakahuling update noong Nobyembre 18, 12,815 na pamilya sa Cotabato at Davao Del Sur ang nakatanggap ng ayuda mula sa Sagip Kapamilya ng AFI sa tulong ng donors, partners, at volunteers nito. Handog sa kanila ng AFI ang food packs, habang naghatid naman ng hygiene kits ang Department of Health.
“Pinapasalamatan namin ang Panginoon kasi ‘yung mga buhay namin na-save,” ani Rosevilla Quidato, isang pastor sa CAMACOP Church na lumikas dahil sa mga pagyanig.
Higit 10,000 din na tao ang nakakain ng masarap at mainit na pagkain mula sa soup kitchen, habang mahigit sa isang libong bata ang binigyan ng psychological debriefing sa tulong ng Department of Psychology ng Ateneo de Davao University upang makabangon sa kanilang matinding dinanas. Naghandog din para sa mga bata ng storytelling, games, at magic tricks, habang daan-daan din ang nagamot sa isinagawang mga medical mission.
Samantala, isa sa mga nagpakita ng kanyang busilak na puso para sa mga biktima si “It’s Showtime” host Vice Ganda na namigay ng higit 2,000 na hygiene kits at kumot sa ABS-CBN Foundation. Dahil sa malasakit at kabutihang loob na ipinakita ng maraming Pilipino, naramdaman ng mga apektadong pamilya na hindi sila nakalimutan, at lagi silang may pamilyang masasandalan.
Patuloy na tumatanggap ang ABS-CBN Sagip Kapamilya, na 15 taon nang naglilingkod sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong, ng in-kind donations (kumot, bigas, canned goods, hygiene kits, at tarpaulin). Maaaring ibigay ang mga donasyon sa Sagip Kapamilya Warehouse sa #13 Examiner St., West Triangle, Quezon City. Para sa cash donations, narito ang bank accounts ng Sagip Kapamilya: BDO (Peso Account No.: 393-011-4199; Dollar Account No.: 39300-81622), BPI (305-111-2775), and Metrobank (636-3-636-08808-1).
Para sa karagdagang detalye, i-like at i-follow ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook. Para sa mga balita, i-follow ang ABS-CBN PR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bisitahin ang
www.abs-cbn.com/newsroom.