Momoland is set to make their comeback to the K-pop scene and will also appear in ABS-CBN’s shows and events.
Opisyal nang babalik sa K-pop scene ang sikat na Korean girl group na Momoland dahil bukod sa isang bagong album na lalabas ngayong buwan, papasayahin din nila ang kanilang Pinoy fans dahil mapapanood ang K-pop stars sa iba’t ibang Kapamilya shows.
Bago mapanood sa telebisyon, sasabak muna sa pagpe-perform ang girl group sa ABS-CBN Christmas special sa Araneta Coliseum ngayong Martes (Disyembre 10). Ito ang unang pagkakataong magtatanghal ang isang K-pop group sa inaabangang taunang pagtitipon ng Kapamilya stars.
Sa Enero 2020 naman, lilibot ang Momoland sa “Gandang Gabi Vice,” “Tonight with Boy Abunda,” pati na MYX. Dapat ding abangan ng kanilang fans ang paglabas nila sa Metro Magazine.
Noong nakaraang Oktubre, nagsanib-puwersa ang ABS-CBN at management company na MLD Entertainment upang magkasamang subayabayan ang karera ng Korean idols sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang contract signing. Inanunsyo rin noon na bibida ang lead vocalist ng grupo na si Nancy Jewel Mcdonie sa isang teleseryeng pinamagatang “The Soulmate Project,” na ipoprodus ng Dreamscape Entertainment at Proj 8.
Samantala, inanunsyo naman ng Momoland noong nakaraang buwan na magiging anim na lang ang aktibong miyembro nito mula sa orihinal na siyam.
Magmula nang inilunsad sila bilang grupo noong 2016, nakapag-release ang Momoland ng hit songs na “Bboom Bboom,” “BAAM,” “I’m So Hot,” at “Banana Chacha.” Kilala rin silang top K-POP girl group na sumikat sa ibang mga bansa sa labas ng South Korea, kabilang na ang Pilipinas.