News Releases

English | Tagalog

TNT Boys tuloy ang laban sa "The World's Best," nailathala rin sa BBC

February 06, 2019 AT 02:46 PM

TNT Boys move on to next round of "The World's Best," get featured in BBC

The TNT Boys continue to astonish the world with their talent after they moved on to the next round of “The World’s Best,” and recently got featured in BBC.

Tuloy pa rin ang pagtaas ng TNT Boys ng bandera ng bansa at pagpapabilib sa buong mundo ngayong pasok na sila sa next round ng international talent competition na “The World’s Best,” at nailathala pa sa website ng kilalang news organization na BBC.
 
Pinahanga ng trio nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion ang “The World’s Best” American judges na sina Faith Hill, RuPaul, at Drew Barrymore sa makatindig-balahibong version nila ng “Listen” sa pilot episode ng programa na inere pagkatapos ng Super Bowl sa CBS.
 
Nagkamit ang performance nila ng 99 points para ipagpatuloy ang laban sa kumpetisyon, o higit pa sa minimum na 75 points na kailangang makuha mula sa pinagsamang scores ng tatlong hurado at ng “wall of the world,” na binubuo ng 50 sa pinakamatatagumpay na eksperto sa mundo ng entertainment.
 
“You have some serious attitude,” sabi ng Grammy-winner na si Faith. “You’re so precious and so sweet but when you were singing, you were in that song, you were like, bam!”
 
Sobrang bumilib din ang Hollywood A-lister na si Drew sa trio at sinabing, “I was a kid performer, but I have kids now. This is a whole other thing. You possess a gift, you’re just that good."
 
Binitawan naman ni RuPaul ang kanyang sikat na linya para sa TNT Boys, “Boys I have one thing to say: Shantay, you stay.”
 
Dahil sa isa na namang trending performance ng bigshot trio, may pagkakataon pa silang mag-uwi ng $1 milyon at tanghaling “The World’s Best.”
 
 
Samantala, patuloy ding kinikilala ang talento ng TNT Boys sa ibang bansa matapos silang mailathala sa website ng isa sa pinakamalaking news organizations sa mundo na BBC. Ipinakita sa video feature ang tagumpay ng mga bata sa telebisyon at ang ilang behind-the-scene footage sa naganap nilang concert noong Nobyembre, na nagluklok sa kanila bilang pinakabatang sold-out concert performers hindi lang sa Araneta Coliseum kundi sa buong bansa.
 
Tinawag din ng BBC ang TNT Boys na “The teen tribute act captivating the Philippines” at nagpasilip ng clip ng sikat na British singer na si Jessie J na nagsabing “They actually did it better than us” patungkol sa performance ng tatlo ng “Bang Bang.”
 
Isa lamang ang TNT Boys sa Pinoy artists na matagumpay na kinikilala sa iba’t ibang bahagi ng daigdig sa patuloy na pagtataguyod at pagbabahagi ng ABS-CBN ng talento ng mga Pilipino sa buong mundo.
 
Unang nakilala sina Mackie, Keifer, at Francis bilang grand finalists ng “Tawag ng Tanghalan Kids” at nabuo bilang grupo noong 2017. Matinding galing sa pag-awit ang kanilang ipinamalas na nagdala sa kanila sa iba’t-ibang panig ng mundo, kabilang na sa “Little Big Shots” UK, US, at Australia, at nakapag-perform na rin sila sa harap ng iba’t-ibang head of states gaya nina Pres. Rodrigo Duterte, Singaporean president Halimah Yacob, at Papua New Guinea prime minister Peter O’ Neill. Sila rin ang itinanghal na grand winner ng ikalawang season ng “Your Face Sounds Familiar Kids.”