News Releases

English | Tagalog

TNT Boys, panalo sa battle rounds ng "The World's Best"

March 01, 2019 AT 05:31 PM

Isang pasabog at pangmalakasang biritan ang muling hinandog ng TNT Boys sa battles rounds ng international reality-talent competition na “The World’s Best” kaya naman muli silang umabante sa susunod na round ng patimpalak at umani ng standing ovation mula sa American at international judges.

Inawit ng trio nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion ang “And I Am Telling You I’m Not Going” na umani ng score na 97 at tinalo ang dance group na Emotional Line ng Korea na nakakuha lang ng 43. Agad ding pinag-usapan at tinutukan online ang mahusay na performance ng TNT Boys dahil umabot na agad ito sa 2.2 milyon na views at pangatlo sa trending videos sa YouTube isang araw matapos itong mapalabas sa telebisyon.

Hindi rin nakapigil ang American judges na sina RuPaul, Faith Hill, at Drew Barrymore na purihin at magbigay ng standing ovation para sa mga batang Pinoy.

“I love them! I already love them. I didn’t think I could love them anymore, but my goodness, every note – pitch perfect! You boys are fabulous,” sabi ni RuPaul.

I think you’re the embodiment of what this show is about --- it’s an all ages party. Everyone’s invited,” papuri naman ni Drew.

“I think we are all witnessing superstars. You have that kind of confidence that allows the audience to relax and enjoy your performance. I just feel the luckiest person in the world,” dagdag naman ni Faith.

Bukod sa paggawa ng pangalan sa international scene, kinilala rin sa bansa ang TNT Boys bilang Concert Performer of the Year sa National Customers' Choice Annual Awards 2019, base sa customers and business surveys ng Consumer Eye Marketing and Research Council na binibigyang pugay ang mga natatanging kumpanya, produkto, indibidwal, at service providers sa bansa. Bukod pa riyan, Ang sold-out concert din ng TNT Boys na “Listen: The Big Shot Concert” noong Nobyembre 2018 ang pinangalanang Concert of the year, samantalang ang TNT Versions naman ang pinarangalang Event Concert Producer of the Year.

Hindi rin nagpatalo si Sheena Belarmino na nakasabayan ng TNT Boys sa “Tawag ng Tanghalan Kids” na siya ring nakakuha ng titulong Breakthrough Child Performer in Singing Category.

Samantala, lumabas naman kamakailan ang TNT Boys sa sikat na US TV talk show na “The Late Late Show with James Corden,” kung saan nakasama nilang mag-perform ang pop superstar na si Ariana Grande. Naging laman na rin sila ng iba’t-ibang international media outlets gaya ng BBC, Extra TV, at CBS Los Angeles dahil na rin sa husay nilang talento sa pag-awit.

Isa lamang ang TNT Boys sa Pinoy artists na matagumpay na kinikilala sa iba’t ibang bahagi ng daigdig sa patuloy na pagtataguyod at pagbabahagi ng ABS-CBN ng talento ng mga Pilipino sa buong mundo. 

Unang nakilala sina Mackie, Keifer, at Francis bilang grand finalists ng “Tawag ng Tanghalan Kids” at nabuo bilang grupo noong 2017. Matinding galing sa pag-awit ang kanilang ipinamalas na nagdala sa kanila sa iba’t-ibang panig ng mundo, kabilang na sa “Little Big Shots” UK, US, at Australia, at nakapag-perform na rin sila sa harap ng iba’t-ibang head of states gaya nina Pres. Rodrigo Duterte, Singaporean president Halimah Yacob, at Papua New Guinea prime minister Peter O’ Neill. Sila rin ang itinanghal na grand winner ng ikalawang season ng “Your Face Sounds Familiar Kids.”
 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE